Nagseselos ang ex-wife
Dear Dr. Love,
Tanggap ko na po ngayon na wala na kaÂming tsansa pang magkabalikan ng aking dating misis. Iginawad na kasi ng korte ang annulment na isinampa ni Doris laban sa akin sa iba’t ibang kadahilanan, partikular ang akusasyong babaero ako.
Noong una ay sinisikap kong labanan ang marriage annulment na isinampa sa korte, alang-alang sa aming anak na babae. Wala akong laban sa aking ex-wife dahil masalapi ang kanyang pamilya at nakadikit pa ito sa mga pulitiko nasyonal man o lokal.
Sa dakong huli, ang inilaban ko na lang ay magkaroon kami ng pantay na kustodiya sa bata pero ang ipinahintulot lang ay ang pagbisita sa bata minsan sa isang buwan.
Nagpasya akong dumistansiya muna sa aking dating pamilya, gusto ko nang mag-move-on pero ang problema ko, Dr. Love ay hindi ako tinatantanan ni Doris. Pilit niyang inaalam kung mayroon na akong bagong lover. Pinasubaybayan pa pala niya ako sa inarkilang espiya.
Ang sabi ng aking abogado, huwag ko nang patulan pa si Doris dahil maaaring nagseselos lang ito. Hindi ko po matanggap na nagseselos pa siya dahil siya naman ang may gustong magkahiwalay kami at pawalang bisa ang aming kasal.
Ganap na nawala ang aking respeto sa kanya dahil sa kanyang pagiging benggadora. Kahit siya ang may mali, ako pa rin ang humihingi ng tawad at sasamo sa kanya para muling mabuo ang nasirang pagsasama..
Inamin ko na ring nagkamali ako sa pagpili kay Doris para maging maybahay ko. Hindi nga pala pera ang pangunahing dahilan para maging maligaya ang isang tahanan. Dahil pera rin ang naging mitsa ng aming paghihiwalay.
Daniel
Dear Daniel,
Nalulungkot akong malaman na isang pamilya ang binuwag ng hindi pagkakasundo ng mga magulang. Sa totoo lang, wala sa sino man sa inyong dating mag-asawa ang talo kundi ang inyong anak. Siya ang talagang nalugi. Pero nariyan na ‘yan.
Kapwa sikapin n’yo na lang na mahanap ang kapayapaan at pilitin na mapunan ang pagiging magulang sa inyong anak.
Sa isang banda, naniniwala pa rin ako na ang bawat umaga ay may hatid na pag-asa. Anong malay natin, kapag kapwa humupa na ang galit ninyo ay mangulila kayo sa isa’t isa at magkabalikan by the grace of God.
DR. LOVE
- Latest