Eksperimento lang
Dear Dr. Love,
Parang naging teenager ang pakiramdam ko nang makita ko si Ryan de Mesa sa campus na pinagtuturuan ko. Siya ang magiging guest lecturer naming mga English and Literature teachersÂ, sa noo’y isang linggong seminar-worshop para sa pagsusulat ng short story.
Matangkad siya, magaling magdala ng damit at malamlam ang mga mata na parang may hinahanap na kung ano sa kaibuturan ng puso mo kung tumitig siya. Napakahusay din niyang magsalita at magpaliwanag, kaya naman ganado kaming lahat na ipakita ang aming nalalaman sa pagsulat ng tula at maikling kuwento.
Sa buong panahon ng seminar-workshop, masigla akong nagtatanong at palagi niyang pinupuri ang maikling tula at kuwento na ginagawa ko sa exercises namin pagkaraan ng lecture. At sa pagtatapos ng isang linggong seminar ay binati niya ako sa mahusay na parÂtisipasyon sa aming klase.
Akala ko noon na roon na matatapos ang pagkakakilala namin ni Ryan. Pero nagkamali ako dahil makaraan ang isang linggo mula nang matapos ang seminar ay nakatanggap ako ng tawag mula sa kanya, na nangangamusta. Sinundan ito ng mga punpon ng mga rosas. Pagkatapos pa nito ay nagyayaya na siyang mag-dinner kami.
Panay tuloy ang tukso sa akin ng mga kasamahan kong teacher dahil ang mga rosas ay dinala sa aming faculty room. Palibhasa’y type ko si Ryan kung kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa sa kanyang imbitasyon. Gusto ko siyang makilala nang lubos sa pag-asang may magandang pagwawakasan ang pagkakaÂkilala namin at pagkakaibigan.
Pero nagkamali ako Dr. Love. Dahil ang pakay lang pala niya sa akin ay gawin akong ekspe rimentong relasyon, na kung magiging maganda ang kalalabasan ay saka pa lamang magkakaroon ng tiyak na direksiyon nang pagpapakasal.
Nang ipagtapat niya ito sa akin ay walang lingongÂ-likod ko siyang nilayasan sa restaurant na pinagdalhan niya sa akin. Hindi ko kako ikinokompromiso ang damdamin ko. Dahil kung wala kakong pagmamahal ang isang babae at lalaki, walang dahilan para sila ay magsama. Weird pala si Ryan at wala akong balak magkaroon ng relasyon sa parang may tama ang kukote.
Maraming salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ko Dr. Love at sana ay lumawig pa ang inyong column.
Gumagalang,
Abigail
Dear Abigail,
Mukhang natapat ka sa isang segurista. MaÂaaring may karanasan siyang hindi maganda sa pag-ibig kung kaya’t may pananaw siya na parang isang transaksiyon ang pakikipagrelasyon.
Pero binabati kita sa iyong prinsipyo tungkol pagkikipagrelasyon, na hindi ito kinokompromiso. Hangad ng pitak na ito na maging maligaya ka sa buhay. God bless you!
Dr. Love
- Latest