Tumanggi sa pananagutan
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo.
Pagpayuhan po ninyo ako sa aking problema tungkol sa apo ko. Anak siya sa pagkadalaga ng aking anak at dahil ayaw panagutan nang noon ay boyfriend niya ay pinapirma namin sa kasulatan ang lalaki na hindi namin oobligahin na sustentuhan ang mag-ina kapalit ng ganap na kawalan niya ng karapatan sa bata.
Simula noon ay hindi na namin nakita ang lalaki ay tuluyan nang nawalan kami ng balita tungkol sa kanya.
Kami ang tumayong magulang ng bata, bagaman tinatawag pa rin niyang mama ang aking anak. Nagpatuloy at nakatapos sa kanyang pag-aaral ang aking anak at lumaki naman sa normal na buhay ang bata. Ngayon ay nasa pitong taon na ang bata.
Ang aking pangamba Dr. Love ay ang posibilidad na biglang sumulpot ang lalaki at hingin ang karapatan bilang ama ng bata. May habol po ba siya kung sakali?
Mayroon po bang dahilan para ako ay mag-agam-agam na mabawi pa sa amin ang bata? Kailangan pa po bang ipagtapat namin sa apo ko ang buong katotohanan sa sandaling nasa tama na siyang edad?
Maraming salamat po sa pagbibigay pansin ninyo sa liham kong ito.
Gumagalang,
Ramona
Dear Ramona,
Ang pangamba mo kaugnay sa maaaring maging kalagayan ng iyong apo dahil sa posibilidad na sumulpot ang kanyang biological father ay mas mabibigyan ng akmang payo ng isang abogado.
Gayon man, sa aking palagay maaaring ikon sidera ang kapasidad niya noon nang pirmahan niya ang kasulatan at ang kakayahan naman niya na maging provider ngayon sakaling maghabol siya.
Pero ang mas maaaring mangyari ay ang sandali na magtanong na ang iyong apo tungkol sa kanyang tunay na ama. Ipagdadamot n’yo ba sa kanya ang tungkol dito? Nasa inyo ang pagpapasya.
Dr. Love
- Latest