Sisihan
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Aubrey, 24-years old at may asawa.
Noong 16-anyos ako ay pangarap kong maging artista. Hindi mo naitatanong maganda ako at mahusay kumanta.
Naging mailap lang sa akin ang magandang break noon. Nagkaroon ako ng boyfriend at tawagin mo na lang siyang Cris.
Mapusok si Cris. Tumututol ako sa gusto niyang mag-sex kami. Pero sa kakulitan niya ay nagpaubaya ako at doon natuldukan ang pangarap ko. Nabuntis ako at ipinakasal kami ng aming mga magulang.
Umiiyak ako noon dahil naglaho ang pangarap ko. Nadagdagan pa ng dalawa ang mga anak namin at naging napakahirap ng buhay.
Madalas kong awayin si Cris dahil kung hindi sa kagagawan niya at kapipilit na mag-sex, natupad ko siguro ang aking pangarap na maging artista at singer. Kapag nakakaramdam kami ng gutom at kakulangan sa pera, siya ang sinisisi ko.
Ngayon ay hiniwalayan niya ako dahil marahil sa naging nagger ako. Hindi ko alam kung papaano ko haharapin ang aking problema. Ano maipapayo mo?
Aubrey
Dear Aubrey,
Huwag kang manisi dahil kung hindi mo rin gusto, hindi naman mangyayari ang gusto ni Cris. Sabi nga “it takes two to tango.”
Ayusin mo ang aburido mong isip, magtrabaho ka para kumita at itaguyod ang kinabukasan ng inyong mga supling.
‘Yung pangarap mong mag-artista ay kali mutan mo na at maging praktikal ka lalu’t ikaw ngayon ay single parent.
Dr. Love
- Latest