Aasa pa ba sa pangako?
Dear Dr. Love,
Tulungan po ninyo akong magpasya kung aasa pa ba ako sa pangako ng lalaki na para sa akin ay “man of my dream”?
Mahigit isang taon na po si Derick nang magpunta sa Amerika. Bago siya umalis, isang matamis na halik ang ipinabaon ko sa kanya, iniwan naman niya ang pangakong babalik siya kaya huwag daw akong paligaw sa iba.
Pero Dr. Love, simula nang umalis siya hanggang ngayon ay iisang sulat pa lang ang natatanggap ko. Nanliligaw po sa akin si Derick pero wala akong commitment na ipinangako sa kanya. Bagaman alam niyang malaki ang crush ko sa kanya.
Sa edad kong 22 years old, marami po ang nanliligaw at gustong manligaw pero wala akong siniseryoso sa kanila. Dahil mayroon akong hinihintay.
Sa palagay po kaya ninyo, nakalimot na si Derick sa kanyang pangako? Dapat pa ba akong umasa o magsimula nang humanap ng iba? Hihintayin ko po ang inyong maipapayo sa problema kong ito. Maraming salamat po at God bless!
Gumagalang,
Patricia
Dear Patricia,
Mahirap umasa sa isang pangako ng lalaking malayo sa iyo, lalo pa nga’t wala naman kayong malinaw na unawaan sa inyong relasyon.
Para makaiwas ka sa ano mang maaaring pagsisihan sa huli, subukan mo na ikaw ang sumulat sa kanya. Kamustahin mo siya, baka naman may nagiging problema siya sa States na hindi mo namamalayan.
Sa ganitong paraan, magiging malinaw ang bawat panig ninyo sa isa’t isa at kung magkaroon man ng pagbabago sa inyong ipinangako, maipaparating ninyo ito nang maayos.
Kung hahantong naman sa closure ang inyong pagtatangi sa isa’t isa, ito na marahil ang pagkakataon para mag-entertain ka na ng mga suitors.
Dr. Love
- Latest