Dear Dr. Love,
Problema ko po ang hindi inaasahang pagkakakilala sa pamilya ng lalaking minahal ko.
Nagkakilala kami ni Tirso sa dating pinapasukan namin na pabrika. Pareho kaming nawalan ng trabaho nang magsara ito. Uuwi na sana ako sa amin sa Bisaya pero niyaya niya akong magtanan. Kasama ang aking 4 na taong anak ay dinala niya kami sa kanilang probinsiya, sa Cagayan.
Nang nasa bahay na kami ng kanyang mga magulang, nun ko po na-realize na kabaligtaran lahat ang ikinuwento niya sa akin tungkol sa kanyang pamilya. Dahil war freak ang mga ito. Hindi rin nila magagawang mahalin ang mahal ng kanilang anak dahil may pamantayan sila para sa magiging asawa ni Tirso.
Gusto sila lang ang magpapatakbo sa buhay ng kanilang anak. Alam ko rin po noong una pa lang na hindi nila ako gusto dahil isa akong dalagang ina. Kaya hindi ko na rin inaasahan ang hindi natuloy naming kasal ni Tirso. Sagana po ako sa parunggit ng kanyang ina, maging ang aking anak na si Mercy ay dinadamay din. Minsan, Dr. Love hindi na ako nakapagpigil, sa dami ng pinalalabhan sa akin ng ina ni Tirso ay nasagot ko po siya. Narinig ito ng ama niya at sinampal ako.
Dinatnan po ako ni Tirso na pinagtutulungan saktan ng kanyang mga magulang. Nang ipagtanggol niya ako ay inumangan siyang tatagain ng kanyang ama. Magpapasaklolo po sana ako sa barangay pero kamag-anak pala nila ang chairman dito, kaya ang ending ay pinaalis kami para hindi na lumala ang gulo. Umalis ako Dr. Love kasama ang aking anak at hindi ako namaalam kay Tirso.
Nakatira po ako ngayon sa aking kapatid habang naghahanap ng trabaho. Hindi na ko babalik kay Tirso kung hindi siya matututong panindigan ang aming relasyon at kumawala sa saya ng kanyang ina. Tama po ba ang ginawa ko?
Maraming salamat po at hangad ko ang pananatiling malaganap ng inyong column.
Gumagalang,
Nanette
Dear Nanette,
Sa relasyon, hindi dapat isa lang ang handang magsakripisyo. Kailangan dalawa kayo. Ang hindi naging magandang pagtrato sa iyo ng mga magulang ni Tirso ay huwag mong dibdibin, sapat na mailayo mo ang sarili lalo na ang anak sa gulo.
Sang-ayon ako na bigyan mo ng tsansang manindigan si Tirso. Pero kung wala talaga, i-charge to experience mo na lang ang lahat. At isiping hindi kayo para sa isa’t isa. Nariyan naman ang iyong anak, pinakamabuti na mas pagtuunan mo ng pansin ang seguridad ninyong dalawa para sa hinaharap.
Dr. Love