Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Cristy, isang taon na akong kasal sa lalaking inakala kong responsable at mapagmahal.
Nang nililigawan ako ni Hener, wala akong nakitang bakas nang pagiging iresponsable. Pakilala niya ay isa siyang negosyante at mayroon pa siyang magarang kotse.
Matapos kaming makasal, nalaman ko ang totoo. Isa lang siyang family driver ng isang mayamang amo. Pinahihiram lang sa kanya ang kotse tuwing day off niya dahil malapit siya sa kanyang amo. Nanlumo ako nang malaman ko ito lalo pa’t iniuwi niya ako sa isang mumurahing apartment.
Isa pa, napaka-iresponsable niya. Ang suweldo niya ay halos ubusing lahat sa pag-inom kaya napilitan akong magtrabaho bilang sekretarya sa isang bahay sanglaan. Pinagsisisihan ko ang nagawa ko at sana’y magsilbing aral ito sa mga katulad ko na madaling maakit ng magandang pagkukunwari.
Cristy
Dear Cristy,
Salamat sa sulat mo. Hindi ka man humihingi ng payo ay bayaan mong bigyan kita ng unsolicited advice. Naririyan na iyan at dalawang bagay lang ang magagawa mo. Magtiis at sikaping mabago ang ugali ng mister mo o kaya’y ipa-annul ang kasal ninyo. Nasa iyo ang huling pagpapasya. Tama ka sa pagbibigay babala sa mga kabaro mo. Huwag husgahan ang tao sa panlabas na anyo. May mga taong mapagkunwari lalo na kung gustong akitin ang kanilang nililigawan.
Dr. Love