Dahil sa utang na loob
Dear Dr. Love,
Greetings po sa inyo at sa hindi mabilang ninyong tagahanga.
Dati po isa akong migranteng manggagawa. Isa akong nurse na naglilingkod sa isang pagamutan sa Middle East. Pero nagpasya akong huwag nang mag-renew ng contract pagkaraan ng tatlong taon dahil gusto kong alagaan na muna ang aking nanay na ngayon ay mayroon nang problema sa kalusugan.
Nais ko ring makita ng nakatatandang kapatid ng aking ina na wala akong trabaho para tantanan na muna ang nanay ko sa kahihingi ng tulong pinansiyal na sa tingin ko ay lumalampas na sa hangganan.
Hindi ko po nalilimutan ang naitulong ng aking Auntie noong nag-aaral pa ako. Pero nang makapag-abroad ako ay sinikap kong maibalik ito sa pamamagitan ng pagpapadala nang regular sa kanyang pampagamot.
Ang hindi ko po matanggap ay bukod sa ipinapadala ko ay inoobliga pa niya ang nanay ko na magpahiram sa kanya ng pera, na wala nang bayaran. At ito ay para sa kanyang mga anak na may asawa na pero umaasa pa sa pensiyon ng Auntie ko.
Alam ko po na tumatanaw ng utang na loob ang aking nanay sa aking Auntie kung kaya hindi niya ito mapahindian na pautangin kahit na nga ubos na ang kanyang savings. Paulit-ulit po ang pagsasabi ng mga pinsan ko, na kung hindi sa kanilang ina ay hindi matutupad ang pangarap kong maging nurse.
Dr. Love, gusto ko po dalhin ang nanay ko sa lugar na malayo sa Auntie ko at mga anak niya para mapilitan po silang magbanat ng buto at huwag magbisyo.
Hanggang dito na lang po at nais kong pasalamatan kayo sa paglalathala ng liham kong ito. God bless you always.
Gumagalang,
Gemma
Dear Gemma,
Mabuti ang tumanaw ng utang na loob sa mga taong nagsilbing daan para sa katuparan ng ating mga pangarap. Pero hindi ito nangangahulugan na maging habang buhay kang tagasuporta ng kanilang pangangailangan. Hindi ganon ‘yun. Lahat ng sobra ay tunay na masama.
Sa palagay ko ay lumabis na kayo ng nanay mo sa pagpapaubaya para sa iyong Auntie at mga anak niya, kaya isinandal na nila ang pangangailangan nila sa inyo. Hindi mabuti ito para sa kanila.
Wala akong nakikitang masama sa balak mong lumayo kayo ng iyong nanay. Kaya sang-ayon akong ituloy mo ito.
Dr. Love
- Latest
- Trending