Kasalanan ko, pagdusahan ko
Dear Dr. Love,
Mapayapa at mabiyayang araw! Matagal mo na akong tagasubaybay at ngayon lang ako sumulat sa iyo. Gaya ng iba, may problema ako sa pag-ibig.
Tawagin mo na lang akong Estrel, isang misis na hiwalay sa asawa. Dalawa ang anak ko at tangay lahat ng aking asawang sumakabilang-bahay, may tatlong taon na ang nakararaan.
Kung bakit iniwan ako ng mister ko ay kasalanan ko rin. Umibig ako sa ibang lalaki at napabayaan ko pati ang aking dalawang anak.
Sising-sisi ako ngunit kasalanan ko at dapat kong pagdusahan. Ibig kong makipagbalikan sa asawa ko pero may iba na siya.
Kahit manikluhod ako sa harap niya ay gagawin ko dahil pinagsisisihan ko ang aking karupukan.
Ano ang dapat kong gawin para maipaabot sa kanya ang aking pagsisisi? Paano ko siya mapapaniwala? Tulungan mo ako.
Estrel
Dear Estrel,
Harapin mo siya at humingi ng tawad para naman maglubag din ang iyong kalooban.
Hindi ko masasabi kung patatawarin ka niya pero ang lahat ng nagkakasala ay may obligasyong humingi ng tawad sa nagawan ng kasalanan.
Ngunit kung may bago na siyang pamilya, may kahirapan ang pakikipagbalikan although legally, mag-asawa pa rin kayo dahil hindi naman yata kayo na-annul.
Manalangin ka rin at humingi ng tawad sa Diyos dahil siya ang unang-unang dapat hingan ng kapatawaran.
Dr. Love
- Latest
- Trending