Hindi nadala

Dear Dr. Love,

Kasalukuyang sumasakit ang ulo naming mag-asawa sa isa naming rebelde at matigas na ulong anak, na ngayon ay muling may dinadalang sanggol sa sinapupunan sa pangalawa niyang boyfriend.

Halos atakihin sa puso ang asawa ko nang mabatid na magkakaroon kami ng pangalawang apo sa panganay naming anak na si Lila at gaya nang una, wala ring makakagisnang ama.

Hindi ko alam kung saan kami nagkulang na mag-asawa gayong busog naman ang aming mga anak sa pangaral. Ang unang anak niya na siya ring unang apo namin ay kami na halos ang nagpalaki at nag-aruga. Sa kabila ng pagkakamali ni Lila sa lalaking pinagkatiwalaan niya noong una, sinikap pa rin naming makapagpatuloy siya ng pag-aaral at nagkatrabaho naman siya nang maayos.

Pero ngayon uli, sa edad na 26 mayroon naman siyang dinadala sa sinapupunan at tulad ng dati, tinakbuhan din siya ng nobyo niya.

Wala talagang kadala-dala ang anak naming ito at madali siyang magtiwala gayong mayroon na siyang naunang karanasan noong panahong siya ay 18-anyos pa lang.

Sa hiya marahil sa amin, umalis sa bahay at nangupahan ng isang kuwarto si Lila sa isang apartment na malapit sa kanyang trabaho.

Sulat na lang ang nakita namin sa kanyang silid at namamaalam na magsasarili na siya at saka na lang daw niya kukunin ang panganay niyang anak sa sandaling makahanap na siya ng mag-aalaga dito.

Sa kabila ng katigasan ng ulo ni Lila, ang isang inang tulad ko ay hindi makatiis kaya’t pinuntahan ko siya sa tirahan niya. Hinikayat ko siyang bumalik sa bahay para sa piling namin siya magsilang ng kanyang baby.

Pilit ko siyang inunawa sa kanyang kundisyon. Pero nakahiyaan na niya marahil ang naging desisyon. Sinabi ng aking asawa na huwag ko nang pilitin pang bumalik sa bahay ang aming panganay. Pero ayaw ko namang may masamang mangyari sa kanya sa napipinto niyang pagsisilang kung wala siyang kasama.

Ano po ang gagawin ko? Sa palagay po ninyo, dapat ko na ngang hayaan ang anak ko sa kanyang naging desisyon? Hihintayin ko po ang inyong mahalagang payo.

Gumagalang,

Donna

Dear Donna,

Sa tingin ko, kailangan mong ipaliwanag sa iyong asawa ang mga pangamba mo tungkol sa kondisyon ng inyong anak. Para maunawaan niya ang kalooban mo bilang ina. Mahalaga rin na ipaalala mo sa kanya, na nangyari na ang hindi na dapat mangyari. Wala na tayong mababago doon. Pero ang posibleng kahinatnan ng inyong panganay at kanyang apo ay may magagawa pa.

Hindi madali ang maging magulang, lalo na kung inilalayo ng katigasan ng ulo at pagsuway sa mga pangaral natin ang ating anak. Pero naniniwala pa rin ako gaano man ang pagkamamali ng anak, laging sapat ang pagmamahal para mapalambot ang dismayadong kalooban ng magulang.

Malaki rin ang tulong ng dasal para sa kaliwanagan ng isip ng iyong anak at malawak pang pang-unawa para sa kanya ng iyong mister. Kasama mo ang pitak na ito sa bawat panalangin, magiging maaayos ang lahat. Manalig tayo sa Maykapal.

                                                                                     Dr. Love

Show comments