Si Mister ang nasa bahay
Dear Dr. Love,
Nagpupugay ako sa iyo at sa pagtanggap mo ng sulat ko ay hangad ko na ikaw ay nasa mabuting kalagayan.
Tawagin mo na lang akong Estrel, 30 anyos at may asawa’t dalawang anak. Problema ko ang asawa kong iresponsable at batugan. Sa limang taon naming pagsasama, ni minsan ay hindi siya nagtrabaho at ako lang ang nagkakandakuba sa pagtitinda ng kung anu-ano.
Wala namang bisyo ang asawa ko pero baliktad ang situwasyon. Siya ang taumbahay habang ako ang nagtatrabaho. Siya ang tagaluto, tagalaba, tagaplantsa at inaasikaso ang lahat ng kailangan sa bahay.
Gusto ko na siyang hiwalayan pero sabi ng mga magulang ko, hindi raw magandang hiwalayan ko siya. Ilang beses ko na siyang hinimok na magtrabaho pero ayaw niya. Ano ang gagawin ko?
Estrel
Dear Estrel,
Kung ang mister mo ay lasenggo at nananakit, maaaring may dahilan kang hiwalayan siya. Sa tingin ko’y hindi naman siya batugan gaya nang sinabi mo dahil gumaganap ng mga gawaing bahay.
Ginagampanan niya ang tungkulin ng isang “maybahay” kaso tila nagkabaliktad ang inyong obligasyon.
Tutal ikaw ang nagtatrabaho, bakit ‘di ka mag-impok ng puhunan para kayong dalawang mag-asawa ay makapagpundar ng negosyo na puwede ninyong pagtulungan. Halimbawa munting tindahan man lang o karinderya na doo’y puwede mo siyang pakinabangan?
Iyan ang subukan mong gawin imbes na pag-isipang siya’y hiwalayan mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending