May sabit ang sinusulot

Dear Dr. Love,

Mayroon akong friend si Cara na parang libangan na ang pagpapalit-palit ng boyfriend. Itinuring niyang hamon ang panunukso na mapaibig lalo na ang mga pamilyado nang lalaki o kaya ay binata na may siyota na. Maganda siya at mayaman kaya marahil madali pa sa kanya ang halos lahat ng gusto niyang gawin.

Hindi ko man gusto ang ugali niyang ito pero sa isang banda, mabait siyang kaibigan. Minsan, tinawagan niya ako para makipagkita dahil sa importanteng sasabihin niya. Buntis pala siya. At ang masaklap hindi niya tiyak kung sino ang ama.

Tinanggihan siya nang unang pinagsuspetsahan niya na si Manny dahil imposibleng kanya dahil kaya sila walang anak ng kanyang asawa ay sterile siya. Ang hinala niya ay sa huling naging siyota niya ang bata, bago siya napunta kay Manny.

Nang mga panahon ko lang nakitang umiyak si Cara. Sinabi niya na magsisilbing leksiyon ang lahat sa kanyang ama, na hiniwalayan ng kanyang ina dahil babaero. Dama ko rin ang matinding hinanakit niya sa sinapit ng kanilang pamilya.

Sa kabila pala ng panlabas na ipinakikita niya, masaya at walang pakialam sa buhay ay may matinding emosyon pala siyang kinikimkim sa kalooban niya.

Bubuhayin daw niya ang bata at magbabago na siya. ‘Yun na ang huling pagkikita at pag-usap namin.

 Dr. Love, sana kapulutan ng leksiyon ang kasaysayan ng kaibigan kong ito. At sana rin sakaling mabasa niya ito, magkaroon ng pagkakataon na ma-contact namin ang bawat isa. Dahil handa ko pa rin siyang damayan bilang kaibigan. Maraming salamat.

Gumagalang,

Rossana Gomez

Dear Rossana,

Tunay na hindi ganap na makikita ang kabuuan ng isang tao sa panlabas na anyo lamang. At nakakalungkot isipin, na kadalasan bago pa matutunan ang leksiyon ay pipiliin muna na mapahamak o malagay sa alanga­ning sitwasyon.

Ang mali ay hindi maitatama ng isa pang mali at isa pang mali. Pinalalala lamang ang sitwasyon.

Mali ang ginawa ng ama ni Cara pero walang pagkatama ang pagrebeldehan niya ang sarili at gawin ang narasan ng kanilang pamilya sa ibang pamilya. 

Sana nga mabasa ito ni Cara, dahil sa pagkakataong ito mas kailangan niya ng kaibigang maasahan.

DR. LOVE

Show comments