Nagpatalo sa pustahan
Dati akong mahilig sa pustahan. Natuldukan ito nang matutunan ko ang leksiyong dulot ng tunay na pag-ibig.
Kinasahan ko ang hamon ng aking mga kabarkada na ligawan ang dalagang dayo sa aming bayan, Sor Teresa kung siya ay tawagin ng kanyang mga kamag-anak. Dahil dati siyang nobisyada. Hindi siya natuloy sa pinili niyang bokasyon dahil sa matinding pagsubok na hindi niya nalampasan. Gayunman, aktibo siya sa gawaing simbahan.
Nagpakilala ako kay Teresa sa pamamagitan ng isa niyang pinsan. Dahil gusto kong mapalapit sa kanya, sumama ako sa mga gawain niya. Doon ko siya nakilala ng lubos hanggang sa hindi ko na napigilan ang aking sarili na mahulog sa kanya.
Tinamaan ako ng husto sa kanya kaya binayaran ‘kong lahat ang mga kapustahan ‘kong mga kaibigan dahil hindi ko kayang lokohin si Teresa.
Pagkatapos nito, saka lang ako nakapagsabi kay Teresa ng aking niloloob. Nasurpresa ako nang sabihin niya na nalulungkot siya at natalo ako sa pustahan pero natutuwa siya dahil kusa akong nagpatalo alang-alang sa tunay na pag-ibig.
Kasal na kami ni Teresa at maligaya sa piling ng aming dalawang anak. At hindi naman ako nagkamali ng pagpapakasal sa kanya dahil isa siyang ulirang asawa at ina. Alam ‘kong mahal na mahal din niya ako dahil pagkatapos ng aming kasal, sinabi niya sa akin na handa naman siyang sagutin ako noon pa man para manalo ako sa pustahan.
Salamat po at sana may matutuhang magandang aral dito ang ibang kalalakihan na mahilig sa pustahan maipakita lang ang pagiging macho at lady killer.
Gumagalang,
Benjamin
Dear Benjamin,
Tunay na napakaganda ng iyong kasaysayan, sa aming pitak ang karangalan sa pagbabahagi mo nito sa ating mga readers.
Gaya mo, nakatitiyak ako na natutunan din ng mga nakabasa nito ang leksiyong dulot ng tunay na pag-ibig. Hangad namin ang tuluy-tuloy na kaligayahan sa inyong pamilya ni Teresa.
Dr. Love
- Latest
- Trending