Ampon
Dear Dr. Love,
Malugod po akong bumabati sa inyo at sa mga tagasubaybay ng malaganap mong column.
Tawagin mo na lang akong Maring, 54 anyos at ang problema ko’y tungkol sa anak ‘kong babae na isang ampon.
May dalawa akong tunay na mga anak sa namayapa ‘kong mister at wala akong problema sa kanila.
Ewan ko kung sino pa ang babae at isang ampon ay siya pang nagluluko sa kabila ng mabuting turing ko sa kanya.
Alam niyang ampon siya dahil pinalaki ko na alam niya ang lahat.
Mayroon siyang dalawang anak sa pagkadalaga at dalawa rin ang ama ng mga anak niya. Ngayon ay buntis na naman siya at sa bago niyang boyfriend.
Kahit anong pangaral ang gawin ko ay hindi siya mapanuto.
Binigyan ko na siya ng laya at nakatira siya ngayon sa piling ng kanyang ka-live-in.
Ano ang dapat ‘kong gawin? Kapag nangangailangan siya ay sa akin din tumatakbo.
Maring
Dear Maring,
Kung totoo ang sinasabi mong hindi ka nagkulang sa pangaral sa ampon mo, wala ka nang sagutin. Nasa hustong gulang na siya at ang ano mang ginagawa niya ay sarili niyang desisyon.
‘Yun nga lang, mahirap tanggihan ang anak kahit ampon kung humihingi ng tulong. Nasa sa iyo iyan kung tutulungan mo pa siya pero dapat ipamukha mo sa kanya na kung tutulong ka man ay may limitasyon na.
Alalahanin niyang may kinakasama siya na dapat magtaguyod sa kanya.
Dr. Love
- Latest
- Trending