My Dear Dr. Love,
Salamat sa’yo dahil gumagaan ang loob ng mga taong may problema sa pag-ibig na pinapayuhan mo. Una sa lahat, isang mainit na pagbati ang ipinaabot ko sa aking favorite love advicer.
Tawagin mo na lang akong Minyong, 49 anyos at may asawa.
Sa buong buhay ko, naging tapat ako sa aking misis. Hindi ko akalaing darating ang panahon na iibig ako sa iba.
Nagsimula ito nang dumating ang isa ‘kong kaibigan mula sa abroad at niyaya akong mag-good time.
Nakakilala ako ng isang g.r.o., tawagin mo na lang siyang Aida, 30 anyos at isang single mother.
Pangalawang dahilan lang ang kagandahan niya kung bakit naakit ako. Mabait siya at nag-iisang nagpapalaki at nagtataguyod sa kanyang 10-taong gulang na anak.
Nagkaroon kami ng relasyon ni Aida lingid sa kaalaman ng misis ko. Mahal ko ang misis ko pero paano akong huhulagpos kay Aida na mahal ko rin?
Minyong ng Parañaque
Dear Minyong,
Kung kailan ka pa tumanda ay dun ka pa magiging taksil sa asawang kinasama mo ng maraming taon?
Sabi mo mahal mo ang misis mo, puwes, iwanan mo ang kinalolokohan mo ngayon. Naniniwala akong pagkahumaling lang iyan. Hindi mo nasabi kung may anak ka sa misis mo pero mayroon man o wala, hindi maganda ang pagtataksil.
Huwag gawing dahilan na may edad na ang misis mo dahil wala kang kuwentang lalaki kung magkagayon.
Dr. Love