Sa sulat lang namaalam
Dear Dr. Love,
Alam ko po na kayo lang ang malalapitan ko para maibsan ang dinadala ‘kong kalungkutan. Ako po ay 28 taong gulang at kasalukuyang nasa pambansang piitan.
Nakulong po ako nang manlaban sa holdupper kung saan napagkamalan ‘kong hold-upper ang isang pasahero at biktima rin na gaya ko. Sinaksak ko po ang taong ‘yun at napatay kaya sentensyado ako ng 6 hanggang 17 taon.
Nakaapat na taon na akong nagsisilbi sa aking sentensiya. Noong una, dinadalaw pa ako ni Grace pero habang tumatagal ay hindi na. Nang tanungin ko ang aking ina, alam ‘kong may pinagtatakpan siya tungkol sa aking asawa. Hanggang sa naubusan na siguro siya ng alibi at ipinabasa na lang sa akin ang isang liham, galing daw kay Grace.
Ang pananabik ko sa pagbabasa ay napalitan ng matinding kalungkutan. Parang bata akong umiyak dahil wala na si Grace. Ipinagpalit na niya ako sa ibang lalaki. Bakit niya nagawa ito sa akin?
Nagkakilala kami at naging magkaibigan sa Hong Kong noon nang kapwa pa kami OFW doon. Nang bumalik kami sa bansa, nag-live in kami, bumuo ng mga pangarap, nagplanong magpapakasal at magkakaroon ng mga anak. Pero inalat nga lang at sinamang palad akong makulong.
Minsan ko nang tinangkang tapusin na ang aking hirap sa pagkitil sa sariling buhay. Salamat na lang at mayroong sumawata sa akin.
Ngayon po ay nagpapatuloy ako ng aking pag-aaral dito sa loob sa pag-asang sa paglaya ko, mayroon akong sariling mapagkakakitaan.Tulungan mo po akong magkaroon ng kaibigan sa panulat, Dr. Love. Sa pagkakaroon ng mga kasulatang kaibigan, madali ‘kong malilimot ang mapait ‘kong nakaraan.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ‘kong ito.
Lubos na gumagalang,
Vivencio A.Roxas Jr.
MSC, Camp Sampaguita
4-C YRC Student Dorm
Vocational Training School
Muntinlupa City 1776
Dear Vivencio,
Hindi makakatulong sa iyo kung ilulugmok ang sarili sa kalungkutan dahil sa pagkawala ng iyong ka-live in. Lahat ay may kani-kaniyang pagsubok sa buhay. Naging mahina si Grace sa pagsubok sa inyong pagsasama, ang tanging paraan para makawala ka sa sakit na dulot nito ay patawarin mo siya at tuluyang palayain. Isipin mo na mas may nakakahigit na nakalaan para sa iyo.
Huwag mong sayangin ang buhay mo dahil lang sa isang kabiguan. Magpatuloy ka sa iyong pagpapakabuti dahil laging may magandang bukas pagkatapos ng matinding unos na pinagdaanan.
Hingin mo lagi ang patnubay ng Maykapal para magtagumpay ka sa lahat ng iyong mga hangarin sa buhay. God bless you.
Dr. Love
- Latest
- Trending