Kasal-kasalan naging totohanan

Dear Dr. Love,

Isa akong Pilipinong nag-migrate sa Canada para magkaroon ng mas magandang pagkakataon na kumita nang mas malaki kaysa iniwanan ‘kong trabaho sa bangko, sa Pilipinas.

Sa kagustuhang mapabilis ang pagkakaroon ng pagkamamamayang Canadian, naghanap ako ng magpapakasal sa ilalim ng tinatawag na marriage­ for convenience. Inireto ako ng isang kaibigan sa isang dalagang nurse na pirmihan nang nanini­rahan sa Toronto.

Disperado akong maging permanenteng residente at citizen ng bansang ito dahil gusto ko nang mapetisyon ang dalawa ‘kong anak na iniwanan ko sa pangangalaga ng aking ina. Hiwalay kasi ako sa aking asawa at nagpa-annul siya ng aming kasal para maging legal ang kanyang pakikisama sa isang dayuhan.

Mas may edad nga lang sa akin ng pitong taon ang nurse na kinasundo ‘kong magpakasal sa akin. Pero may pigura at mabait at naghahanap rin ng makakasama sa buhay na mabibigyan siya ng kahit isang anak.

Ang usapan ay mistulang kasal-kasalan lang ang aming relasyon at sa sandaling isa man sa amin ang umayaw na sa pagsasama namin, puwede nang magdiborsiyo pagkaraang makuha ko na ang dalawang bata. Pero napalapit kami sa isa’t isa at ang usapang kasal-kasalan ay naging totohanan.

Hindi kasi mahirap ibigin si Amber dahil maunawain siya. Magandang makisama at masaya. Sa ngayon, isang Canadian citizen na ako at napetisyon ko na ang dalawa ‘kong anak. Limang taon na ka­ming kasal at nagsasama ni Amber pero hindi pa rin kami nagkakaroon ng supling. Ang sabi niya sa akin, kung hindi na kami talaga papalaring magkaanak, aariin na niyang tunay na mga anak sina Don-Don at Sheila, ang dalawa ‘kong anak sa unang asawa.

Sana po, hindi na magkaroon ng problema ang aming pagsasama ni Amber. Mahal na siya ng da­lawang bata dahil sa kanya nila nadama ang tunay na pagmamahal ng isang ina.

Lumiham po ako sa pitak ninyo para maibahagi sa marami ninyong mambabasa na hindi dapat ma­walan ng pag-asa ang isang tao, kung sa una man ay puro problema ang kinaharap. Mayroon pa ring naghihintay na magandang bukas ang sinuman huwag­ lang mawawalan ng pag-asa at tiwala sa Lumikha­. Maraming salamat at mabuhay po kayo.

Gumagalang,

Willy

 

Dear Willy,

Maraming salamat sa pagtitiwala mo na ibahagi ang iyong magandang kasaysayan sa pag-ibig sa ating column. Natitiyak ko na maraming mam­ba­basa ang na-inspired sa kwento mo. Tunay na hindi­ dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman pag­da­ting sa pag-ibig. Dahil sa maraming pagkakataon, kahit gaano naging mapait ang karanasan sa unang­ pag-ibig, may naghihintay pa ring kaligayahan kung mananatiling matuwid ay may darating na kaligayahan sa buhay.

Hangad ng column na itong ang tuluy-tuloy na kaligayahan mo sa piling ni Amber. Malaking bagay sa anumang relasyon ang pagpapagitna sa gabay ng Maykapal, kaya ugaliin mo na ilatag sa Diyos ang mga hangad mo para sa inyong pagsasama ni Amber at sa takdang panahon, naniniwala ko na may katuparan ang lahat ng mga ito. God bless you!

Dr. Love

Show comments