Madramang hipag
Dear Dr. Love,
Ipagpaumanhin n’yo po Dr. Love kung hindi directly tungkol sa love life ang liham ko, kundi sa madrama kong hipag at pamilya niya na nagiging dahilan ng pagtatalo naming mag-asawa.
Dating mariwasa ang buhay ng hipag kong ito, hanggang sa namatay ang kanyang asawa at ang lahat ng yaman nila ay nalustay dahil sa mga bisyo ng kanyang mga anak.
Kami namang mag-asawa ay pangkaraniwang empleyado lamang at dahil sa pagsisikap na makapagsinop ng aming kita ay nakagawang mapagtapos ang aming mga anak at kahit paano ay makapag-impok.
Ngayon po, ang hipag kong ito ay namimihasa sa kalalapit sa aking asawa, maging ang kanyang mga anak na ayaw magtrabaho sa kabila nang pagkakaroon ng sarling pamilya.
Minsan pa ay nawindang ako nang mangutang siya ng P500 sa aking asawa dahil kailangan na raw niyang magpa-parlor. Mabuti ho kung talagang utang. Pero ang utang sa kanya ay wala nang bayaran. Ang masama kapag hindi napagbigyan ay sisiraan kami sa kanilang kapatid na nasa US at maging sa mga kapitbahay.
Dalawa po sa mga kapatid nila ng aking asawa ang nasa US at nagsusustento sa aking hipag pero hindi pa rin sapat sa kanila dahil sa kani-kaniyang luho. Malimit na naming pag-awayang mag-asawa ang tungkol dito. Dahil nasasaktan ang asawa ko kung inirereklamo ko na kaya nagkulang ang budget namin ay dahil inutang ng kanyang kapatid kundi man ay ng isa nitong anak.
Gusto ko nang maglayas kung minsan sa ganitong sitwasyon. Salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Elsie
Dear Elsie,
Hindi masama ang tumulong sa kamag-anak na nangangailangan para magpagamot at pambili ng pagkain. Pero kung ang inuutang ay para sa luho at bisyo ng kanyang mga anak, isang uri iyan ng pagkunsinti sa masamang bisyo.
Hindi makatarungan na kayong nagtitipid ang siyang mawawalan ng panggastos para tumulong sa luho. Pinakamabuti na kausapin mo ng masinsinan ang iyong asawa tungkol sa nagiging problema mo at ninyo dahil sa kanyang kapatid. Ilatag mo rin sa kanya ang nakikita mong solusyon. Mula sa kanya ay saka kayo magdesisyon.
Hangad ng pitak na ito ang katiwasayan ng pagsasama ng lahat ng mag-asawa sa mundo. God bless.
Dr. Love
- Latest
- Trending