Dear Dr. Love,
Kamusta? Humahanga rin po ako sa inyong payo at hangad ko na matulungan din po ninyo ako na makapagdesisyon ng tama tungkol sa aking love problem.
Bago pa lamang po ako sa buhay may asawa at hindi ko sukat akalain na ganito kasalimuot ang magiging sitwasyon ko. Masaya po ang unang taon ng aming pagsasama ng aking mister. Pero ang mga sumunod po ay puno na nang sama ng loob.
Marami po siyang gustong gawin na sarili niya lamang ang kanyang konsiderasyon. Wala siyang pakialam kung ano ang magiging pakiramdam ko at kung ano ang maaaring maging epekto nito sa aming mga anak.
Dr. Love, makailang ulit ko na pong napatunayan na may mga pagkakataon na naglilihim ang aking asawa tungkol sa babae. Nahihirapan po akong tanggapin ang tungkol dito. Pero hindi ko magawang makipaghiwalay sa kanya dahil malulugi rin ang aking mga anak.
Sa obserbasyon ko po ay may mga bagay na higit na mahalaga sa kanya kaysa sa aming mag-iina. At kapag naiisip ko po ang lahat ng ito, nakakaramdam ako ng pagsisisi sa mga desisyong ginawa ko sa aking buhay. Dahil hindi ko pa pala ganap na kilala ang lalaking inakala ko na nagmamahal ng tapat sa akin.
Ilang beses ko nang sinabi sa kanya ang nagiging problema ko sa relasyon namin, pero ilang beses na rin po siyang nag-sorry at nangako pero walang pagbabago. Hindi naman po sapat ang kanyang kinikita para sa pangangailangan ng mga bata. Pero nananatiling balidoso at mapustura po siya sa pananamit na parang nagbibinata.
Hindi ko na po alam ang gagawin ko. Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.
Gumagalang,
Elsa
Dear Elsa,
Sa panahon ngayon, bihira na ang isang ina na gaya mo. Humahanga ako na malaman sa iyo na hindi mo option ang pakikipaghiwalay sa asawa sa kabila ng mga sama ng loob na idinudulot niya sa iyo, dahil mas matimbang pa rin ang kapakanan ng inyong mga anak.
Ang maipapayo ko, sikapin mo na sa bawat araw ay tingnan ang kabutihang idudulot ng iyong sakripisyo para sa iyong mga anak. Magpatuloy ka sa iyong mga gawain at sikapin na maging normal ang lahat ng aspeto. Alam ko na hindi magiging madali ito kung dedependa ka sa sariling lakas, kaya isandal mo ang sarili sa tapat na mga pangako ng ating Maykapal. Makakatulong ng malaki ang pagdarasal at pagbabasa ng bibliya. Magtiwala ka lang.
Kasama mo ako sa panalangin na ma-realize ng iyong asawa ang mga kamalian niya sa inyong relasyon at magbago siya para sa muling ikasisiya ng inyong pamilya. God bless you.
Dr. Love