Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Mario, isang karaniwang empleyado, may asawa at dalawang anak.
Ang problemang nais kong ihingi ng payo ay tungkol sa posibleng paraan para tuluyan nang mabura sa isip ng mga nakakakilala sa misis ko ang hindi magandang nakaraan niya. Hindi po naglihim ang asawa ko sa akin at dahil mahal na mahal ko siya, lubhang apektado ako ng mga pasaring ng mga tao sa aming paligid kaugnay sa kanyang nakaraan.
Dati kasing entertainer sa abroad si Lina. Nagkakilala kami nang magbalik-bayan siya.
Dr. Love, maging ako ay may pangit na nakaraan din. Nalulon ako sa hindi magandang bisyo noong aking kabataan. Ipinaalam ko rin ito sa aking asawa. At gaya ko, hindi mahalaga sa kanya ang aking nakalipas.
Sa pagtataguyod namin ng sariling pamilya, kapwa kami nagsisikap na itakwil ang mga hindi magagandang karanasan sa aming buhay at nagsisikap na mamuhay ng matuwid.
Ang hindi ko po maunawaan ay parang hindi mabigyan ng ibang tao ng puwang ang pagbabagong ito at pilit na inuungkat ang mga binura na ng panahong nakalipas. Noong una, nakitira kami sa aking balong ina habang nag-iipon para makapagpatayo ng munting tindahan. Pero kahit ang mga kapatid ko ay mayroong mga parunggit sa aking asawa, tungkol sa dati niyang trabaho.
Minsan akong napaaway sa isang tambay na naringgan ko ng patutsada na ang panganay kong anak ay mukhang Hapones. Ito ang naging daan para kami ay magpasya nang humiwalay sa piling ng aking ina at mga kapatid. Tumira kami sa isang maliit na apartment sa Antipolo, malapit naman sa magulang ng misis ko.
Palibhasa’y nasa bahay lang ang misis ko at hindi ko na pinagtrabaho mula nang kami ay magpakasal, lagi namang isinusurot sa akin ng ilang kamag-anak ko na hindi ako maghihirap kung may ibang alam na trabaho si Lina para matulungan ako.
Mula noon ay dumalang na ang aking pagbisita sa bahay ng nanay ko lalo na kung mayroong mga okasyon na nagkakatipon-tipon ang magkakamag-anak. Hindi ko na gustong makarinig ng mga parunggit at lalong hindi ko gustong pinipintasan nila ang misis ko.
Ano po kaya ang mabuti kong gawin? Mahal na mahal ko po si Lina at ang mga anak namin.
Maraming salamat po sa pagbibigay-pansin ninyo sa liham ko. Sana ay lumawig pa ang column ninyo dahil marami kayong natutulungan.
Gumagalang,
Mario
Dear Mario,
Kung mahal mo ang isang tao, kasama mong minamahal pati ang nakalipas niya. Huwag mo nang patulan pa ang mga tsismis ng ibang tao. Ituon mo ang atensiyon mo sa pagsisikap para mapaligaya ang iyong pamilya.
Kahit pa ano ang sabihin ng ibang tao, ang mahalaga ay nagkakaunawaan kayo ng iyong asawa.
Ipako mo sa paghahanda sa darating na bukas ang lahat na pagsisikap. Darating din ang panahon na magsasawa ang mga tsismosa sa paghalukay sa nakaraan ninyong dalawa. Lalo na kung makikita nilang kayo ay maunlad na.
Dr. Love