Frigid ba ako?
Dear Dr. Love,
Ako po si Mindy, 27 anyos at dalaga pa. Hindi ko alam kung matatawag akong normal. Sa anyo ay maganda naman ako. Isa po akong elementary school teacher at sobra ang debosyon ko sa pagtuturo. Gustung-gusto ko po ang mag-asikaso at magturo sa mga bata. Iyan po yata ang bokasyon ko.
Ang hindi ko maintindihan, hindi ako naa-attract kanino man. Maging sa babae o lalaki ay wala akong attraction. Hindi po ako tomboy at nangangarap din na magkapamilya balang araw.
Minsan po ako ay nagka-boyfriend. Mahal na mahal niya ako pero hindi kami nagtagal dahil nakipag-break ako agad. Dahil wala ‘yung feelings na sinasabi nila na para kang nasa langit kapag katabi ang mahal mo.
Wala pa rin akong karanasan sa pagtatalik dahil ayaw ko.
Ngayon ay may boyfriend uli ako. Guwapo at bata sa akin ng dalawang taon. Gusto ko na siyang pakasalan para hindi ako tumandang dalaga. Pero as usual, wala akong feelings.
Ano ba ang tinatawag na pag-ibig. Hindi ko pa ito nararanasan. Ang damdamin ko sa boyfriend ko ngayon ay tulad lang ng isang kaibigan o kapatid pero wala akong kiliting nararamdaman kapag nasa tabi ko siya. Dapat ko bang ipagpatuloy ito?
Mindy
Dear Mindy,
Baka kailangan mo ang professional help ng clinical psychologist. Mahirap sagutin ang itinatanong mo sa akin dahil hindi ko alam ang background mo. Baka may nauna kang mapait na karanasan sa pakikipag-boyfriend.
Posible rin namang baka hindi mo pa natatagpuan ang tunay mong mamahalin. Magtiyaga ka pang maghintay ng kaunti at idalangin mong dumating sa buhay mo ang tamang lalaki na magpapatibok sa puso mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending