Nakalimot na si mister
Dear Dr. Love,
Dahil sa nabasa kong balita sa dyaryo tungkol sa misis na nag-suicide dahil sa pagkasiphayo nang matuklasang ang kanyang mister na nasa ibang bansa ay mayroon nang babae… naudyok akong sumulat sa iyo para maibahagi at sana ay makapulutan ng aral ng mga ginang na dumaranas din ng parehong sitwasyon.
Nakaka-relate po kasi ako. Mayroon po akong dalawang anak at biktima rin ako ng panloloko ng asawa. Ang kaibahan ko nga lang, hindi ako nagpadala sa kalungkutan at galit, sa halip ipinangako ko sa sarili na magsisikap akong mabuti para maitaguyod ang aking mga anak at hindi ko hahayaang makunsumi at malosyang.
Ang mister ko ay isang inhinyero at nagtungo siya sa isang bansa sa Gitnang Silangan para magtrabaho. Nagkatagpo sila doon ng isang dati niyang nobya na nagtatrabaho bilang nurse sa pagamutang pag-aari ng gobyerno. Nabuhay muli ang naunsiyami nilang pag-iibigan at silang dalawa na ang nagsama. Nakalimutan na niya kaming mag-iina na naiwanan sa poder ng kanyang magulang noon.
Nang mabatid ko ang ginawang kataksilan ng aking asawa, namaalam ako sa aking mga biyanan at dala ang dalawang bata, bumalik ako sa aking mga magulang. Bumalik din ako sa dati kong trabaho at the rest is history. Tapos na ngayon sa kolehiyo ang panganay naming anak na nang iwanan niya, sampung taon na ang nakalilipas ay nasa high school pa lang.
Bagaman noong una ay nagpapadala pa siya sa amin ng sustento, pinutol na niya ito nang malamang nagbalik ako sa aking mga magulang. Siniguro ko rin naman na sakali’t babalik siya para kunin ang aming anak, wala na rin siyang mababalikan.
Alam kong mangyayari ito dahil ang binalikan niyang dating nobya ay walang kakayahang mabigyan siya ng anak, kaya ako ang pinakasalan niya noon. Hindi ko hahayaang gamitin ako ng sinuman para sa sariling interes lamang. Kinasuhan ko siya ng pag-aabandona sa amin at bigamya.
Pero ang karanasan kong ito ay hindi naman naging daan para kamuhian ko na ang lahat ng lalaki. Mayroon din namang lalaking responsable at natagpuan ko nga ito sa katauhan ng aking naging mister. Ang akala ko, ang sinasabing ikalawang pagkakataong lumigaya ay isa lamang panaginip. Totoo rin pala.
Panalangin ang nakapagpatatag sa aking puso at damdamin noon, at pagpapatawad sa ginawang pagkakasala sa akin ng dating asawa.
Happy holidays po.
Doreen
Dear Doreen,
Humahanga ako sa katatagan mo sa naging mabigat na pagsubok sa buhay pagpapamilya. Kung ang lahat ng mga ginang ng tahanan ay may parehong damdamin at determinasyon gaya ng iyong ipinakita, walang hahantong sa pagkitil ng buhay na hiniram lamang natin sa Lumikha.
Salamat sa liham mo at nawa’y magsilbing inspirasyon ito sa maraming ina ng tahanan.
Happy New Year sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending