Mail order bride
Dear Dr. Love,
Happy new year po.
Itago mo na lang ako sa pangalang Nadia, 37 anyos, isang karaniwang empleyado ng isang ahensiya ng gobyerno.
Dahil lampas na sa kalendaryo ang edad ko at nananatiling dalaga pa, naganyak akong makipagkilala sa isang foreigner na taga-Europe na ipinakilala sa akin ng isa kong kasamahan sa office. Ang kapatid kasi ng officemate ko ay nakapag-asawa ng isang German at maganda ang kaniyang kalagayan sa buhay.
Ito ang nag-udyok sa akin na makipagsulatan sa iniretong lalaki ng officemate ko. Naghahanap daw kasi ng isang Pilipina bride ang lalaking ito na kaibigan ng asawa ng kapatid ng officemate ko.
May isang taon na kaming magpen-pal. May itsura naman siyang lalaki, matangkad at mahusay siyang magsalita ng English. Pumayag ako sa kanya na magpakasal sa pagnanais na makarating sa kanyang bansa. Umabot din ng anim na buwan bago naayos ang aking mga papeles at naisagawa ang simple naming kasal.
Pero nang nasa poder na ako ng aking naging asawa, nagbago ang isip ko. Gusto ko nang umuwi sa Pinas. Unang-una, nakita ko na isa rin lang siyang karaniwang empleyado. Seloso siya at binibigyan lang niya ako ng pera na tama lang panggastos sa pangangailangan sa bahay. Ang mga pangako niyang tutulong sa pamilya ko ay napako. At higit sa lahat, hindi ko gamay ang kinagisnan niyang pamumuhay at kultura.
Namayat ako sa pag-iisip kung paano ko tatapusin ang aking pakikisama sa naging mister kong Aleman. Nang magkasakit ako, iyon na ang pagkakataon kong magsabi na uuwi muna sa Pilipinas para magpagaling. Pumayag naman siya na makapagbakasyon ako. Iyon na ang ginamit kong paraan para hindi na bumalik pa sa piling niya.
Nakadalawang taon pa bago niya ako pinadalhan ng divorce papers para palayain na ako sa aming kasal. Para akong nabunutan ng tinik. Mahirap talagang ipakipagsapalaran ang pag-aasawa kung wala talagang pagmamahal. At sana, ang naging karanasan kong ito ay magsilbing aral sa iba pang nagnanais na maging mail order bride.
Maraming salamat po at muli, happy holidays.
Gumagalang,
Nadia ng Quezon City
Dear Nadia,
Hindi pare-pareho ang kapalaran ng mga nagbabakasakali sa pagiging mail order bride. Maaaring may mga sinuswerte pero kadalasan ay hindi nagiging mabuti ang kinauuwiang kalagayan. Dahil mahirap maestima ang tunay na pagkatao ng isang lalaki, lalo na’t lumaki sa ibang kultura kung hindi magiging personal ang inyong pagkakakilala sa bawat isa.
Isa pa, sa simula pa lang ay hindi naging tama ang pamantayan mo sa pagpapakasal sa kanya. Gusto mo makarating sa kanyang bansa at hangad mong masuportahan ang iyong pamilya. Hindi ko naman sinasabi na masama ito, pero sa pakikipagrelasyon lalo na may usaping kasalan… dapat pagmamahal sa isa’t isa ang maging matibay na pundasyon.
Sana may natutunan ka sa naging karanasan na ito sa iyong love life at natityak ko na kinapulutan din ito ng leksiyon ng ating mga readers.
Dr. Love
- Latest
- Trending