Napatawad na ang nobya
Dear Dr. Love,
Isang masaganang pagbati sa inyo.
Ako po si Jerie Victoria, 26 taong gulang at kasalukuyang nakapiit dito sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa City. Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang malungkot kong karanasan sa pag-ibig at tuloy maipabatid sa tumalikod kong nobya na napatawad ko na siya.
Nabilanggo po ako sa kasong pagpatay nang ipagtanggol si Julie Ann sa mga umaaway sa kanya. Naganap po ito noong Disyembre 1, 2004 nang dumalo kami ng nobya ko sa isang birthday party ng kanyang kaibigan sa Malolos, Bulacan.
Sa kalagitnaan ng okasyon ay narinig ko na lang na pinagtutulungan ng dalawang kababaihan ang aking nobya. Agad ko silang inawat pero sa hindi sinasadyang pangyayari, naitulak ko ang isang babae na nobya pala ng isa sa mga kainuman namin sa lamesa, si Romnick na mabilis na sumaksak sa akin.
Dito na nagpantig ang tainga ko kaya’t nang makahagip ako ng isang bote ng long neck, iyon ang ipinalo at isinaksak ko kay Romnick na siya niyang ikinamatay. Dumating agad ang mga pulis kaya’t hindi kami nakatakas.
Kasunod ng pagkakahatol sa akin ay siyang pagkawala na parang bula ng aking nobya. Masakit man, pinilit kong matanggap na wala na siya sa buhay ko. Ginagawa ko ngayong kapaki-pakinabang ang buhay ko dito sa loob, nag-aaral ako. Natanggap ko na po na hindi kami para sa isa’t isa. Napatawad ko na rin siya.
Ang isa ko pang regalong hiling sa inyo, sana’y magkaroon ako ng kaibigan sa panulat para magsilbi kong inspirasyon sa pagbuno ng mga nalalabi ko pang mga taon sa piitan. Maraming salamat po at maligayang pasko sa inyo.
Jerie Victoria
MSC Camp Sampaguita
Dorm 231
Muntinlupa City 1776
Dear Jerie,
Ikinatutuwa ng pitak na ito na napatawad mo na ang iyong nobya. Dahil ito lamang ang tanging paraan para mapalaya mo rin ang sarili sa sakit. Magpatuloy ka sa iyong pagpapakabuti diyan sa loob. Hangad namin ang kaligayahan mo sa pagkakaroon ng mga kaibigan sa panulat. God bless you at Merry Christmas in advance.
Dr. Love
- Latest
- Trending