Maling desisyon
Dear Dr. Love,
Kaka-graduate ko lang po sa college. Nagkaroon po ako ng personal na problema sa aking pamilya na hindi ko na natagalan. Lagi akong nakakatikim ng masasakit na salita. Ayaw ko nang tumira sa amin kaya sumama po ako sa boyfriend ko. Sa una ay hindi matanggap ng mga magulang ko pero kalaunan natanggap din nila.
Tama po ba ‘yung ginawa ko na kaming mag-asawa ay tumira muna sa bahay namin imbes na sa house ng mister ko? May dahilan naman kung bakit dito sa amin ko ipinasya na tumira kami. Nahihiya po kasi ako sa pamilya niya dahil wala akong trabaho. Gusto ko man na tumulong sa gawaing bahay ay ayaw nila dahil hindi ko raw alam ‘yon.
Sabi ko sa asawa ko ay maghahanap ako ng trabaho. Sakto namang sinabi ng nanay ko na tutulungan daw ako ng kumare niya.
Nang lumisan kami sa bahay nila para lumipat sa amin, nagalit ang ate niya dahil iiwanan daw ng asawa ko ang magulang nila.
Pagpayuhan po ninyo ako.
Nagmamahal,
RC
Dear RC,
Itinatanong mo kung tama ang ginawa ninyong paglipat sa inyo. Sasabihin ko sa iyo na ‘yung pagtatampo mo sa pamilya mo na naging dahilan ng pag-aasawa mo nang wala sa oras ay maling-mali.
Tapos ngayong may-asawa ka na ay ititira mo pa rin ang lalaki sa bahay ninyo. Hindi ko maintindihan ang ginawa mo. Nag-asawa ka para makalaya sa tahanan mo pero ngayon kasama mo pa ang mister mo diyan.
Ikaw ang babae kaya dapat ang lalaki ang magpapasya kung saan ka ititira. Kung hindi kayang bumukod, doon ka sa mga biyenan mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending