Piniling lumayo sa kaniyang mag-ama
Dear Dr. Love,
Ang kahirapan namin sa buhay ang nag-udyok sa aking asawa na magtrabaho sa abroad. At sa tulong ng aking biyenan na siyang nangutang para sa kanyang placement fee ay nakaalis papuntang Jordan si Marilen. Naiwan sa pangangalaga ng aking biyenan ang aming dalawang anak.
Magpapasko rin kasi noon, Dr. Love. Madaling-araw nang tuluyan siyang makaalis. Nagpatuloy naman ako sa pagbubungkal ng lupa. Tumupad si Marilen na magpapadala buwan-buwan ng pera, hindi ko hinangad ang kahit ano man sa mga ito. Ang nanay niya ang tumatanggap at siya ring namamahala para sa pangangailangan ng aming mga anak.
Sa aking pagkakaalam ay tatlong taon lamang ang kontrata ng aking asawa sa abroad kaya umaasa akong papauwi na siya. Ang hindi ko alam, talaga palang bahagi ng plano ng asawa ko ang pag-a-abroad dahil gusto na niyang makipaghiwalay sa akin.
Ang regular niyang pagsulat sa akin ay unti-unting dumalang. Hanggang sa nanay na lang niya siya sumusulat. Kalaunan, nakatanggap na lang ako ng balita sa isang kasamahan niyang umalis noon, na hindi na raw uuwi si Marilen. Nag-asawa na raw ng isang Arabo.
Nang itanong ko sa biyenan ko kung totoo ang impormasyong tinanggap ko, sinabi niyang totoo ito. Wala raw magawa si Marilen kundi mag-asawa para hindi siya pauwiin sa bansa at maging legal ang paninirahan niya doon.
Wala akong magawa. Wala akong pera para gumawa ng hakbang na legal para habulin siya at ang pangangalaga sa dalawa naming anak. Ang biyenan ko na rin ang nakiusap sa akin na huwag ko nang pigilin pa ang magandang kapalarang dumating sa kanyang anak. Dahil kung babalik pa sa bansa si Marilen, wala rin namang mangyayari sa aming buhay.
Mahal ko ang aking asawa pero kung talagang ayaw na niya sa akin, wala akong magagawa. Ang tanging hiniling ko na lang sa aking in-law ay huwag alisin ang karapatan ko bilang ama ng aking mga anak.
Matagal nang panahon ang lumipas. May asawa na rin ako ngayon pero ang buhay ko ay nanatiling isang kahig, isang tuka. Naisip ko, marahil may katuwiran ang dati kong asawa na maghanap ng kanyang kapalaran na hindi ko kayang ibigay.
Ang turing ko sa sarili, isang talunan. Pero maligaya naman ako sa piling ng aking asawa at tatlong anak. Sa kabila ng nangyari, hindi ko pa rin ganap na malimot ang dating asawa at hindi mawala ang galit ko sa aking biyanan. Payuhan mo po ako.
Salamat po,
Marcelo ng Cagayan Valley
Dear Marcelo,
Huwag mong ituring ang sarili na isang talunan. Dahil sa kabila nang mga nangyari sa inyo ni Marilen ay maligaya ka pa rin sa iyong buhay. Hindi mo ganap na malilimot ang iyong naging asawa, lalo pa’t may mga anak kayo. Ang kailangan mo ay pakawalan ang hindi magandang alaala sa kanya, lalo na ang nararamdamang galit para sa iyong biyenan. Marahil nagkataon lamang na sa kabila ng inyong relasyon bilang mag-asawa ay hindi kontento sa buhay na maipagkakaloob mo si Marilen kaya’t pinili niyang lumayo sa inyong mag-aama.
Idalangin mo rin na gaya mo ay maging maligaya rin sa pinili niyang buhay ang dati mong asawa.
DR. LOVE
- Latest
- Trending