Dear Dr. Love,
Ako ay 35 years old, isang bilanggo at kasalukuyang pinagsisilbihan ang naging hatol ng hukuman sa salang pagpatay.
Sa kabila ng masaklap na insidenteng naging sanhi ng aking pagkakakulong. Hindi nawawala sa akin ang hangarin na balang-araw ay muling makakalaya at maipagpatuloy ang naudlot kong mga pangarap sa buhay.
Idinulog ko na po sa Panginoon ang pagkakasala ko at alam kong pinatawad na Niya ako. Dahil sa nagliwanag ang aking kaisipan. Na sa kabila ng pangyayaring ito sa aking buhay, kailangan kong tanggapin ang hamon para sa pagbabagong-buhay.
Pinaghahandaan ko na rin po ang pagbabalik sa lipunan sa pamamagitan ng pag-aaral ko dito sa kulungan.
Ang pangamba ko lang po na sa sandaling mapalaya na ako ay manatili na lang akong single o walang asawa. Dahil ang isang naging bilanggo o ex-con ay hindi kaagad natatanggap sa lipunan nang walang lihim na nangungutya. Kinatatakutan.
Sa palagay po kaya ninyo, mayroon pang babaeng magkakagusto sa akin sakali’t magdesisyon na akong lumagay sa tahimik? Kahit naman po ako isang bilanggo, nangangarap din akong magkaroon ng pamilya at matahimik na pamumuhay sa piling ng mga mahal sa buhay.
Bilang pabor pong nais kong hingin sa inyo, sana ay magkaroon ako ng mga kaibigan na makakasulatan at makakapalitan ng kuro-kuro sa buhay para magsilbing inspirasyon ko.
Hanggang dito na lang po at more power to you.
Gumagalang,
Cris Sanchez
Student Dorm 4-B
YRC Bldg. 4
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Cris,
Wala kang dapat pangambahan sa iyong kinabukasan kung nagsisikap kang mabuti sa kasalukuyang kalagayan. Dahil kinalulugdan ng Diyos ang humahakbang sa matuwid na landas.
Huwag kang mawalan ng pag-asa para sa iyong love life, dahil naniniwala ako na may nakalaan na tadhana para sa bawat isa sa atin. Magpatuloy ka sa iyong pagpapakabuti diyan sa loob at gawin mong bahagi ng iyong araw ang paghingi ng gabay mula sa Maykapal. Dahil siya ang Diyos na buhay at hindi nagpapabaya.
Dr. Love