Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay bumabati ako sa iyo sampu ng mga mambabasa ng iyong malaganap na kolum.
Pakitawag n’yo na lang ako sa pangalang Rodel, binata at isang tindero ng mga laruan at school supplies sa Divisoria.
May kasintahan ako. Tawagin mo na lang siyang Irma. Pareho kaming 20 years old. Mayaman siya at estudyante sa isang exclusive school. Nakilala ko siya dahil madalas siyang mamili.
Nagkaroon kami ng relasyon na humantong sa pagtatalik. Napadalas kaya nagdalantao siya.
Ang problema ko’y galit na galit sa akin ang kanyang mga magulang at ayaw tanggapin ang alok ko na panagutan ko ang bata.
Idedemanda raw ako Dr. Love. Ano ang gagawin ko?
Rodel
Dear Rodel,
Palagay ko’y wala kang pananagutan kung pareho kayong maninindigan sa inyong pagmamahalan ng iyong kasintahan. Hindi na kayo menor de edad kaya ang ano mang naganap sa pagitan ninyo ay may mutual consent at walang elemento ng pamimilit sa iyong panig.
Ipanalangin mong huwag mako-coerce ang iyong kasintahan ng sarili niyang magulang upang idiin ka. May kahirapan ang problema mo lalu pa’t mayaman ang kalaban mo.
Sa ngalan ng pag-ibig, maraming tao na ang nakakagawa ng kapangahasan. Sana’y tatagan mo ang iyong sarili at manalangin ka sa Diyos.
Dr. Love