Dear Dr. Love.
Magandang araw po Dr. Love!
Ako po si Ms. Lonely. Kasalukuyan po ako ngayon nasa isang relasyon na masasabi ko na pinapahalagahan ko po ng sobra dahil ipinaglaban ko po ito hindi lang sa mga magulang ko, kundi pati na rin po sa mga taong mahahalaga sa akin. Hindi pa po kami kasal ng akin boyfriend at mahigit apat na buwan na po kaming nagsasama. Nakatira po kami sa bahay nila ngayon. Wala po kaming trabaho pareho. Ako ay nasa bahay lang, binubuno ang bawat araw; siya naman ay umaasa sa isang bagay kung saan kumikita siya ng pera. Madalas malaki din ang talo. Tinatanggap ko po dahil ganun talaga kapag sugal at walang kasiguraduhan. Kaya nga po nakikipagsapalaran. Gusto ko na po magkaroon siya ng trabaho dahil ayokong dumating ang araw na magkaroon na kami ng anak ay wala pa kaming naipupundar. Kung kailan may pangangailangan na ang anak namin by that time pa lang kakayod.
Madalas po ako napapaluha dahil naiisip ko, Dr. Love, maaaring ito na ang karma ko dahil naging matigas ang ulo ko at sa dami ng mga pangaral ng mga magulang ko sa akin, ginawa ko pa rin ang sa akala ko ay tama.
Hindi naman po siya pabaya pero nanghihinayang po kasi ako sa mga pera na pinangsusugal niya. Mga halaga ng pera na dapat ay ipinambibili namin ng mga importanteng bagay pero napupunta sa pagkatalo.
Dr. Love, gusto ko pong malaman ninyo na kaya po ako sumulat dahil labis po na masama ang aking kalooban. Ito po ang nakikita ko na pinakamalapit at pinakamagandang solusyon para mailabas ang nararamdaman ko. Ayoko po kasi na sabihin ‘to sa kanya dahil ayoko na magkaroon ng away. Isa pa, hindi ko naman rin po gusto na mag-share sa mga kamag-anak niya. Hangga’t maaari kung anuman ang problema na mayroon kami sa relasyon namin, ayoko na makarating pa sa ibang tao.
Miss na miss ko na rin po ang pamilya ko. Matagal ko na po silang tinitikis dahil wala po akong mukhang maiharap sa kanila dahil ito ang bunga ng katigasan ng ulo ko. Naniniwala ako sa nabasa ko na: How can you forget the past when the result of your past is your present. Labis ko po ikasasaya kung malalathala po ang aking liham sa inyo. Salamat po! God bless!
Lubos na gumagalang,
Ms. Lonely
Dear Ms. Lonely,
Mula sa umpisa ay maling-mali na ang pinasok mong relasyon. Nagsama kayo nang walang kasal at lalong masaklap, walang tiyak na trabaho. Ano ba iyang sinasabi mong kinikita ng asawa mo? Sugal ba talaga na madalas malaki ang kita pero kung minsan talo?
Walang mangyayari sa ganyang relasyon at ikaw ang talo sa bandang huli. Sa pangalan mo pa lang na Ms. Lonely ay nakikita ko na ang matindi mong pagdadalamhati. Kung ako sa iyo, makikipaghiwalay muna ako at saka na magsama kapag pareho kayong nasa maayos nang kalagayan. Ibig kong sabihin, may magandang trabaho at handang-handa ang damdamin para sa matinong relasyon.
Dr. Love