Nangako sa yumaong nobyo
Dear Dr. Love,
Dalawang taon nang sumakabilang buhay ang aking nobyo na dapat sana’y pinakasalan ko na kundi lamang siya nagkasakit nang malubha. Sa gulang na 25 ay namatay sa cancer si Ronald. Masakit na masakit sa kalooban ko ang nangyari. Pero alam kong pahiram lang ng ating Panginoon ang buhay.
Sa mga huling sandali ni Ronald, nakita ko ang paghihirap niya na labanan ang kanyang karamdaman. Pero walang nagawa ang modernong siyensiya para mapalawig pa ang buhay niya.
Noong buhay pa siya, sinabi ko sa kanya na walang makakapalit sa kanya sa aking puso. Siya lang ang mamahalin ko. Kaya naman kahit marami uli ang nanliligaw sa akin parang bingi ang puso ko sa kanilang mga pangako.
Ang payo sa akin ng aking ina, walang masama kung iibig ako uli kahit na nangako ako kay Ronald. Tungkol po sa pangako kong ito sa yumaong nobyo ang problema ko. Dahil may isang malapit na kaibigan ako na napupusuan. Pero nangangamba ako na baka magalit sa akin si Ronald dahil hindi ko tinupad ang aking pangako.
Payuhan mo po ako. Hindi po ba kabaliwan na hingin ko ang kanyang pagpayag na umibig muli?
Maraming salamat po. Tawagin na lang ninyo akong White Lily na siyang paboritong tawag sa akin ng aking yumaong boyfriend.
Gumagalang,
White Lily ng Cavite
Dear White Lily,
Hindi magiging patas para sa iyo na pigilan mo ang iyong sarili na lumigaya dahil sa isang pangako sa yumao mong nobyo. Dahil kailangan magpatuloy ang buhay mo. Kung sa mag-asawa nga, kapag namatay ang isa ay binibigyang laya na ang isa na makapag-asawang muli, ikaw pa kaya… na magnobyo lang ang relasyon ninyo.
At kung talagang mahal ka ng sumakabilang buhay mong nobyo, hindi niya gugustuhin na maging malungkot ka for the rest of your life. Kaya ipagpatuloy mo ang iyong buhay at gawin mo ang makapagpapaligaya sa iyo.
Dasal ang makakatulong kay Ronald kaya ito ang ilaan mo para sa kanya.
Dr. Love
- Latest
- Trending