Iba ang awa sa pagmamahal

Dear Dr. Love,

Hindi ko alam kung dapat pa bang balikan ko ang bahagi ng aking nakaraan dahil sa pagnanais na makahingi ng kapatawaran sa isang tao na minsan ay naging bahagi ng buhay ko.

Inakala po kasi noon ni Dante, isang bilanggo na nakarelasyon ko na mahal ko siya nang pumayag ako sa gusto niya. Nakilala ko po siya nang samahan ang isang kaibigan na dumalaw sa kanyang asawa sa bilangguan. Naging malapit kami dahil nahabag ako sa mapait niyang pinagdaanan. Iniwan siya ng kanyang common law wife at dalawang anak nang makulong.

Natutong magbisyo para makalimot hanggang matagpuan niya ang sarili na nagtutulak na rin ng bawal na gamot. Dito na siya nadampot ng mga pulis at nakulong.

Gusto ko po siyang tulungang magbago. Pero, Dr. Love nang kalaunan natakot ako sa aking ginawa. Hulog na hulog na ang loob niya sa akin. Ang target daw niya makalabas siya sa piitan sa mas maikling panahon. Nangamba ako kung sasabihin ko agad na naawa lang ako sa kanya. At para patunayang tapat ako sa kanya, nagpasiping ako sa kanya.

Mula noon, hindi na ako bumisita sa kanya. Hanggang sa natuklasan kong nagdadalang-tao na ako. Dito ako nagtapat sa aking magulang. Saka ko lang nakita ang lawak ng problemang ginawa ko sa sarili.

Isa pa, ang nobyo kong kinalasan ko noon ay nagbabalik. Ayaw kong gawin siyang timbulan sa aking kalagayan. Ipinagtapat ko ang aking kalagayan. Pero sa halip na kamuhian ako, nagpasya siyang itanan ako. Ituturing daw niyang kanya iyon at wala nang makakaalam na iba bukod sa aking magulang.

Nang mabalitaan kong malapit nang lumaya si Dante, dito na nagsimula uli ang aking problema. Nagpasya ang asawa ko na lumayo kami sa isang lugar na hindi maaabot ni Dante. Sa ngayon, wala na akong balita pa sa dating nobyong bilanggo.

Maligaya ang pagsasama namin ng aking asawa at magdadalawa na ang aming anak. Nalulungkot lang po ako kapag naaalala ko si Dante at ang sinapit niya.

Payuhan mo po ako Dr. Love. Kailangan ko pa bang makipagkomunikasyon sa kanya para hingin ang kanyang kapatawaran?

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng inyong column.

Wilma

 

Dear Wilma,

Wala ka nang dahilan pa para makipagkomunikasyon kay Dante dahil magdudulot lang ito ng problema sa tahimik at masayang pamilya amo. May asawa ka na at dakila ang pagmamahal niya sa iyo. Kaya ito ang higit mong pahalagahan. Dahil sa kabila ng iyong malaking pagkakamali ay nanatili siyang desididong maging katuwang mo habang buhay.

Kalimutan mo na ang tungkol kay Dante at ituring na lamang siyang bahagi ng iyong sarado nang nakaraan. Tanging ang leksiyon na lamang dito ang iyong isaisip, na iba ang awa sa pagmamahal.

Dr. Love

Show comments