Kinalasan ng bf dahil sa parents

Dear Dr. Love,

Hindi ko po malilimot ang masakit na karanasan ko sa unang pag-ibig. Nagkakalas kami ng relasyon ng aking nobyo dahil sa panghihimasok ng kanyang parents. Pinilit siyang ipinakasal sa anak ng amiga ng kanyang mama na tulad nila ay mayaman at lahi rin ng mga doktor.

Ang iniayaw sa akin ng mga magulang ni Ed ay hindi ako doktor. Noon kasi kaklase ko si Ed sa UP sa kursong Physical Theraphy  at hindi pa siguradong magpapatuloy ng medisina, na nakaplano na para sa kanya.

Ang masakit pa nito para masigurong magkakalas kami ng relasyon ni Ed, sinadya pang kausapin ng mga magulang niya ang aking ina at sinabihang sana palayain ko na muna ang kanilang anak dahil nagugulo raw ang pag-aaral nito.

Hina-harass ko raw ang kanilang anak dahil sinusundan ko ang mga lakad nito kasama ang kanyang bagong kasintahan. Ang sa akin naman, gusto kong personal na sabihin sa akin ni Ed na wala na kami dahil hindi ako gusto ng kanyang mga magulang.

Dahil sa ginawa ng mga magulang ni Ed, nagpasya ang aking mga magulang na ipagpatuloy ko ang pag-aaral sa medicine. Nakatapos ako. The rest is history. Ngayon po, matagumpay na akong espesyalista sa rehab medicine at sa US pa ako nagpakadalubhasa. Mayroon na akong klinika sa Chicago at isa sa mga Pilipinong doktor na kinikilala sa aking larangan.

Si Ed, ang balita ko nagkahiwalay sila ng babaeng pinili ng kanyang mga magulang at pinakasalan niya. Parehong hindi nakapagpatuloy ng medisina ang dalawa­ dahil nga maagang nagpakasal.

Maligaya ako ngayon sa lalaking aking napa­ngasawa, isang Fil-Am, anak ng isang doktor at may sariling­ ospital sa Indiana.

Sana po ang karanasan kong ito ay magsilbing ins­pirasyon sa ibang babaeng inaayawan ng pamilya ng kanyang nobyo.

Maraming salamat po at more power to you.

Gumagalang,

Lei

Chicago, Illinois USA

Dear Lei,

Higit na masakit para sa kaninuman ang mabigo sa unang pag-ibig. Pero sa kaso mo, hinahangaan ng pitak na ito ang naging determinasyon para mana­tiling maging matagumpay sa buhay sa kabila ng kabiguang ito sa iyong love life.

Para sa akin, sadyang may nakalaan na pinaka­mabuti sa bawat isa sa atin. Kung kaya ang naging pagka-kalas ninyo ng iyong boyfriend dahil sa magulang niya ay hindi rin marahil inayunan ng pagkakataon. Dahil mas may deserving para sa iyo, na makapagbibigay ng tunay na kaligayahan.

Nakatitiyak ako na magiging isang makabuluhang inspirasyon para sa ating mambabasa ang iyong kasaysayan. Hangad ng pitak na ito ang patuloy na kaligayahan ng iyong pamilya. God bless!

Dr. Love                                                           

Show comments