Bumigay din si Misis
Dear Dr. Love,
Ano man po ang naging malaking pagbabago sa aking buhay ngayon, hindi ko po pinagsisisihan ang ginawa. Kahit pa ang naging kapalit nito ay ang sarili kong kalayaan.
Kapit sa patalim po ako noong panahon nasa bingit ng kamatayan ang aking anak. Sinubukan kong lapitan ang aking amo para mangutang pero tinalikuran niya ako. Ito po ang nakapag-udyok sa akin para kunin ang pera sa restaurant na pinapasukan ko.
Gusto ko pong mailigtas ang aking anak na may sakit na dengue. Pero nahuli na ako. Umiiyak na ang aking asawa nang datnan ko sa ospital. Binawian na ng buhay ang aking anak.
Nakulong ako matapos aminin ang pagkakasala dahil hindi ko na maisauli ang pera. Nagastos ko na po sa pagbabayad sa pagamutan. Hindi na ako nakadalo sa libing ng aking anak. Nagdurusa ako ngayon sa ginawa ko.
Ang hindi ko lang makaya, bumigay din sa kahirapan ng buhay ang misis ko. Iniwan niya ako at umuwi na sa kanila. Ang sakit, sakit ng loob ko.
Dr. Love sa pamamagitan ng liham ko na ito, nais kong ipaabot sa aking live-in partner na nagawa ko lang ang pagkakasala dahil wala na akong malapitan. Ayaw naman niyang humingi ng tulong sa kanyang pamilya. Sana mapatawad niya ako at gusto ko malaman niya na sa kabila ng mga nangyari, mahal ko pa rin siya.
Maraming salamat po.
Your loyal fan,
Daniel Vega
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Daniel,
Kapit sa patalim nga na maituturing ang iyong pinagdaanan. Pero mas mabuti sana na hindi mo hinayaang ilugmok ka sa paggawa ng masama ng iyong pagsubok. Gayun man, nangyari na ang lahat at alam ko na pinagsisisihan mo na ang iyong naging pagkakamali. Humingi ka ng tawad sa Diyos at pilitin na ilagay sa matuwid ang iyong buhay.
Patawarin mo rin ang iyong ka-live-in sa kanyanag kahinaan kung kaya bumigay na siya sa inyong relasyon. Sikapin mo na pagbutihin ang rehabilitasyon mo diyan nang maging handa ka sa mga hamon paglaya mo.
Sikapin mong gumawa ng paraan para mapaunlad ang sarili habang nariyan ka sa loob sa pamamagitan ng pag-aaral kahit kursong bokasyonal para mahasa mo pa ang kakayahan sa paghahanap-buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending