Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo. Pakay ko po sa pagliham ang payo ninyo at magkaroon ng mga bagong kaibigan sa pamamagitan ng inyong malaganap na column sa Pilipino Star Ngayon.
Lito na po ako, parang wala nang nagmamahal sa akin sa pagyao ng aking pinakamamahal na lola na siyang nagpalaki sa akin at sa pagtalikod ng unang babaeng minahal.
Hindi na nabawi ng ninakaw kong pera ang aking lola mula sa karamdaman na siya niyang ikinamatay.
Wala akong malapitan noon. Kaya nagawa kong pagnakawan ang aking amo. Nahuli ako sa aking pagtatago, kaya kalaboso ngayon.
May nagkagusto sa akin dito, inireto ng isang kasamahan. Pero nang malaman ng magulang ang pakikipagrelasyon sa tulad kong bilanggo, agad na tinutulan.
Masakit po ang aking kalooban. Isa akong mahirap. Kaya nakagawa ng pagkakasala. Isa akong mahirap kaya tinalikuran ng babaeng minamahal.
Payuhan mo po ako. Talaga bang wala nang puwang sa mundo ang isang tulad ko?
Ang isa pa, nasaan na kaya ang aking mga magulang na ipinaampon ako sa aking lola dahil din sa hirap ng buhay. Nasaan kaya ang iba kong mga kapatid ?
Maraming salamat po sa paglalathala ninyo ng liham na ito at nagbabakasakali akong mabasa ito ng mga hinahanap kong tao.
Gumagalang,
Manolo Marinas
I-B YRC Student Dorm
High School Dept.
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Manolo,
Salamat sa liham mo. Nawa’y matagpuan ka ng mga hinahanap mong tunay na magulang at mga kapatid sa pamamagitan ng liham mong ito.
Huwag mong kamuhian ang sarili dahil isa kang mahirap. Ang pagiging dukha ay hindi dahilan para ka gumawa ng masama. Siguro kung nagsabi ka lang nang maayos sa amo mo, hindi mo ginawa ang kumuha ng pera ng ibang tao.
Nangyari na ang insidenteng ito. Pagsisihan mo nang mabuti ang pagkukulang mo. Siguro, maging ang iyong lola ay hindi rin natuwa sa ginawa mo kahit na nga ang layon nito ay madugtungan pa ang buhay niya.
Huwag mo na ring sisihin ang nobya mo sa kanyang ginawa. Ipakita mong nagpapakabuti ka at magiging maaga ang iyong paglaya.
Dr. Love