Mahal pa rin kahit tinalikuran na
Dear Dr. Love,
Isa po akong bilanggo sa pambansang bilangguan. Nahatulan akong makulong mula walong taon hanggang 14 taon sa kasong homicide.
Bukod sa mapait na pagiging biktima ng inhustisya, nalansag ang lahat kong pangarap sa buhay. Ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilya.
Ang masaklap pa ay tinalikuran na ako ng aking asawa, na ngayon ay may iba nang kinakasama. Hindi po kami kasal pero mayroon kaming dalawang anak. Mahal ko pa rin ang aking asawa, Dr. Love sa kabila ng kanyang ginawa.
Kaya po ako lumiham sa inyo ay para alamin kung dapat ko na bang kalimutan ang dati kong asawa. Dapat ko pa ba siyang patuloy na mahalin?
Ang isa pang pabor, sana mailathala ninyo ang liham na ito para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para malimot ko ang mapait na karanasang ito sa buhay.
Ang nais kong mga kaibigan, iyong mga makakaunawa sa akin at maraming salamat sa inyong lahat diyan sa PSN.
Patuloy po ako na magiging number 1 ninyong tagahanga.
Respectfully yours,
Billy Barzana
Cell 219 Medium Security Compound
Camp Sampaguita Muntinlupa City 1776
Dear Billy,
Salamat sa pagtangkilik sa PSN.
Nakikisimpatiya ang pitak na ito sa nangyari sa buhay mo. Kung hindi kayo kasal, may layang magpakasal sa iba ang dati mong asawa.Maaaring nawalan na siya ng pag-asa sa buhay nang makulong ka lalo’t kung wala siyang pinagkakakitaan.
Ang puwede mong habulin ay ang mga anak sa sandaling lumaya ka na. Pero saka mo na problemahin ang mga ito kapag laya ka na. Ang mahalaga, sikapin mong mapatatag ang loob mo. Sana makatagpo ka ng maraming mga kaibigan sa panulat para mabawasan ang kalungkutan mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending