Dear. Dr. Love,
Itago mo na lamang ako sa pangalang Gemz. Madalas po akong nagbabasa ng inyong kolum at naisipang sumulat upang humingi ng tulong at gabay sa inyo.
Ang problema ko po ay tungkol sa dalawang lalakeng nagpapatibok ng aking puso. Sina Alejo at Jonny. Si Jonny po ang una ‘kong minahal simula pa noong 2nd year high school kami.
Naging masaya ang aming pagsasama pero nang kalaunan ay nakipag- break ako sa kanya. At dito nanligaw sa akin si Alejo na ginamit ko upang maibsan ang sakit ng paghihiwalay namin ni Jonny.
Hanggang ngayon Dr. Love ay kami pa ni Alejo pero nanligaw ulit si Jonny at sa hindi ko maipaliwanag ay sinagot ko siya. Bagay na ‘di ko pinagsisisihan. Mahal ko ang dalawang lalake sa aking buhay at puso Dr. Love.
Pero dapat ko na bang ipagtapat sa kanila na dalawa sila sa puso ko? At hindi kaya nila ako iwan at saktan sa bandang huli? Payuhan ninyo ako Dr. Love.
Maraming salamat at more power to you.
Lubos na gumagalang,
Gemz
Cabugao Ilocos Sur.
Dear Gemz,
Natural kapag nagkabukuhan ay pareho silang mawawala sa buhay mo Gemz. Hindi puwedeng mamangka sa dalawang ilog.
Dapat pakasuriin mo silang dalawa kung sino ang mas nakaaangat ang katangian at ‘yun ang piliin mo. Hindi puwedeng sabay. Kung ikaw halimbawa, papayag ka ba na maraming babae ang lalaking magmamahal sa iyo? Natural hinde.
Sa gagawin mong pagpili, labas na ako riyan. Ikaw lang ang puwedeng magpasya kung sino sa kanila ang pipiliin mo.
Hangga’t maaga gawin mo iyan para madispatsa mo ang isa. Masasaktan ang sino mang ibabasura mo pero mabuti nang mangyari habang maaga para mas madaling maghilom ang sugat.
Dr. Love