Dear Dr. Love,
Isa po akong misis na mayroong limang anak. Maaga akong nag-asawa sa edad na 21. Maganda naman po ang takbo ng aking pamilya, kaya lang ang problema ko ay ang aking mister.
Pakiramdam ko po ay de-numero ang kilos ko kapag ang mister ko ang aking kasama. May mga expressions kasi ako na ayaw n’ya. Kagaya ng mga expressions na “ngek”.. “nye” o sabihin na natin na ayaw n’ya ng mga expressions na katulad ng sa mga teenagers.
Kaya lang dahil sa ‘yun ang uso, kaya nagagaya ko naman. Kaya minsan, kahit wala kaming dapat na pagtalunan ay nagkakaroon kami ng argumento dahil palagi n’ya akong sinisita kahit sa mga maliliit na bagay na masasabi kong natural lang naman sa akin at hindi naman ako nagpapa-cute. Minsan tuloy, mas gusto ko kasama ang ibang tao, kaysa sa kanya. Kasi nailalabas ko ang kakulitan ko, ang kakikayan ko o kahit ang kaartehan ko.
Ano ba ang dapat kong gawin para matanggap n’ya kung anuman ako? Pero, mahal ko naman s’ya kahit na nahihirapan akong makitungo sa kanya dahil sa sobrang pagiging istrikto n’ya.
Love,
Lucille
Dear Lucille
Asawa mo siya at siya ang lalaki, puwes, sundin mo ang gusto niya. Tutal mga expressions lang naman at kilos mo ang ibinabawal niya, pagbigyan mo. Mayroon kasing personality na domineering. Mas mabuti na iyan kaysa ang babae ang domineering dahil lilitaw na ander-de-saya ang lalaki.
Sabi kasi ng Bible, ang lalaki ang ulo ng mag-asawa. Pero kung may iuutos siya sa iyo na labag na sa kagandahang asal at sa Salita ng Diyos, puwede mo siyang suwayin. Ipakita mong isa kang asawang marunong magpasakop. Pagsilbihan mo siya bilang isang ulirang asawa at makikita mong mare-realize niya ang kanyang pagkakamali.
Dr. Love