Lukso ng dugo

Dear Dr. Love,

Good day to my favorite columnist!

Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang sarili ‘kong karanasan sa buhay at kung paano ito nakakaapekto sa aking katauhan. Ako po si Anthony 23 taong gulang, walang nagisnang mga magulang pero masuwerteng mayroong lola at tiyo na nagpalaki at gumabay­ hanggang sa ako ay magbinata.

Namatay ang nanay ko nang ako’y isilang habang sinasabi naman ng lola ko na patay na ang tatay ko. Pero may bahagi sa aking pagkatao na tumututol dito. Hanggang sa isang tao ang nagbigay sa akin ng address kung nasaan ang aking ama. Tinunton ko ito at dahil sa lukso ng dugo, napatunayan ko na buhay si Antonio dela Paz, ang aking ama.

Nangingilid ang luha niya sa pag-uusap namin at alam kong naghihintay siya ng sumbat mula sa akin. Pero hindi na kako nito maibabalik ang mga nagdaan na. Nalaman ng aking lola ang tungkol sa pagkikita namin kaya ipinagtapat na rin niya na itinago niya ang tungkol sa aking ama para hindi sumama ang loob ko. Dahil biktima ng pagkapalikero nito noon ang aking ina.

May ilang ulit din akong bumisita sa bahay ng ama ko hanggang sa makatanggap ako ng balita na pumanaw na siya. Sa burol doon ko nakita ang 12 dalawang iba pa niyang mga anak at mga asawa. Pero wala akong ibang makapang damdamin tungkol sa pagyao ng tatay ko, maliban lang sa panghihinayang na hindi nagtagal ang aming pagkakakilala.    

Ang sabi ko sa sarili, lumaya na rin ako sa isang madilim na kahapon dahil nakilala ko na ang buo ‘kong pagkatao.

Hanggang dito na lang po at sana, mapayuhan ninyo ako.

Anthony

Paranaque City

 

Dear Anthony,

Salamat sa liham mo at sa patuloy mong pagsubaybay sa column na ito.

Sana, payapa na ang kalooban mo ngayon na nakilala mo na ang amang pinangungulilahan at alam mo na rin ang buo mong pagkatao.

Pasalamatan mo ang lola mo at ang tiyo mong kumalinga sa iyo noong panahong wala ka pang kakayahang buhayin ang sarili. Pagyamanin mo rin ang sariling kakayahan, mag-aral ka para sa mas magandang kinabukasan.

Dr. Love

Show comments