Tawag ng pag-ibig o mga anak?
Dear Dr. Love,
Isa po ako sa regular na mambabasa ng inyong column. Tawagin mo na lang akong Iza, 29 anyos, isang probinsiyana bago napadpad dito sa Kamaynilaan. Nakitira muna ako sa isang kapatid bago nakapasok bilang factory worker. Dito ko nakilala si Dan, isang tricycle driver.
Una, naging magkaibigan kami. Hatid-sundo niya ako sa pinapasukan hanggang manligaw siya sa akin. Hindi ko na pinatagal ang paghihirap niya sa panliligaw dahil ako man ay nahulog na ang loob sa kanya.
Nagsama na kami bilang mag-asawa at biniyayaan ng dalawang anak. Pero hindi nagtagal ay naging bugnutin si Dan, na nagiging ugat ng madalas naming pag-aaway. Naging magulo ang aming pagsasama at apektado na ang aming mga anak. Nadiskubre ko na ang dahilan ng pagbabago niya ay may iba na siyang ibinabahay. Dahil dito nakipaghiwalay ako at ang mga anak ko ang naging sentro ng atensiyon ko.
Ngayon may lalaki nagpapahiwatig sa akin. Naguguluhan po ako kung paano ang magiging sitwasyon ng aking mga anak, kung magkakaroon ako ng bagong pag-ibig? Ano po kaya ang pinakamahusay na hakbang na dapat ‘kong gawin para mapagdisisyunan ang problemang ito?
Maraming salamat at mabuhay kayo.
Lubos na gumagalang,
Iza Aguilar
Lucena City
Dear Iza,
Huwag mong ipagkamali ang nararamdaman mo sa pangungulila sa iyong asawa. Dapat mas maging matalino ka ngayon. Tiyakin mo na responsable ang lalaking nagpapapansin sa’yo, bilang kabiyak at magiging ama ng mga anak mo. Kung hindi, pagyamanin mo na lang ang mga anak at tiyak na may magandang kinabukasan pa ang naghihintay sa inyong mag-iina.
Dr. Love
- Latest
- Trending