Ayaw sa broken family pero...

Tawagin mo na lang akong Elsa, dating OFW. Nang mag-abroad ako noong 2005, napakasakit na iwan ang maliit na anak  pero ‘di ko matiis na nakikitang nagugutom at ‘di sila makapag-aral.

Mula noon, hindi na rin nagtrabaho ang asawa­ ko’ng lasenggo at mapagbuhat ng kamay. Ok lang sana basta alagaan niya ang mga bata. Pero hindi­. Kahit ang mga kapatid niya ay sinabihan ako na iwan ko na lang siya pero ayaw kong magkaroon ng broken family. Umuwi ako after 8 months nang magkasakit ang bunso ko.

Laging lasing ang asawa ko at malimit ka­ming­ saktan ng mga anak ko hang­­gang sa hindi na ako makatiis. Nakapasok ako sa isang consultancy­ company. Lalong nawala ang respeto ko sa kanya nang nabalitaan ko na may babae siya sa lugar namin.

Masama bang maghangad na balang araw ay may magmamahal din sa akin ng totoo at matulungan ako sa responsibilidad ko sa aking mga anak? Masama ba akong tao kung tuluyan ko nang kamuhian ang asawa ko dahil sa kanyang mga ginawa? Napakarami ko nang hirap­ na tiniis mula nang magsama kami. Please, pagpayuhan niyo ako.

Elsa

Dear Elsa,

Hindi kita masisisi at sa sobrang kalupitan ng asawa mo ay namatay ang amor mo sa kanya­. Ngunit ang maghanap ka ng bagong magmamahal ay maituturing nating risky dahil baka mas masahol pa sa mister mo ang makuha mo lalu pa’t marami ka nang anak. Suwerte ka na lang siguro kung may iibig sa iyo nang tapat sa kabila ng iyong kalagayan.

Isa pa legal ang kasal mo sa asawa mo at hanggang hindi nawawalang bisa ang kasal mo ay lumalabag ka sa batas kapag nakisama ka sa ibang lalaki. Legal problem ang kinakaharap mo kaya sumangguni ka sa abogado tungkol sa tinatawag na marital annulment.

Dr. Love

Show comments