Alaga ng bading ang mister
Dear Dr. Love,
Nais ko pong isangguni ang isang personal na problema na malubha nang nakakaapekto sa aking isipan. Watch full video
Itago mo na lang ako sa pangalang Nini, nakatira ako ngayon sa aking mga magulang kasama ang dalawa kong anak. Nasa Maynila naman ang mister ko, kung may trabaho siya o wala hindi ko na alam.
Nagbago ang pakikitungo namin sa isa’t isa nang matuklasan ko na nakatira siya sa apartment at inaalagaan ng isang bading.
Mahigit isang taon na ang nakakalipas mula nang lumayo ang asawa ko. Hindi ko na alam ang estado ng relasyon namin. Hindi ko naman matanggap at kayang gastusin ang pera na ipinapadala niya, na mula sa bading.
Hindi ko rin maaatim na makisama uli sa asawa ko na may kahati ako sa kanyang pagmamahal na isang bading.
Maraming salamat po sa inyong pagbibigay-daan sa liham ko at hangad ko ang patuloy pang paglawig ng pitak na ito.
Gumagalang,
Nini
Negros Oriental
Dear Nini,
Ang pangyayaring ayaw nang bumalik sa piling ninyo ang iyong asawa ay tanda lamang na mas ninais niyang pakisamahan ang bading na tagapag-alaga niya. Marahil hindi niya kayang pakawalan ang naibibigay nito sa kanyang ginhawa. Dahil hindi na nga naman siya obligadong magtrabaho at nabibili niya ang gusto niya kapalit ng pakikisama sa bading.
Nasa iyo ang pagpapasya kung magpapatuloy pa ang inyong kasalukuyang estado bilang mag-asawa.
Sana, sabihin mo na ang sitwasyon sa iyong mga biyenan at mga magulang mo. Maaaring matulungan ka nila para makumbinsi ang asawa mo na humiwalay na sa kanyang tagapag-alagang bading. At para hindi ka nila masisi kung balang araw, naisin mo rin na maghanap ng ibang makakatuwang sa buhay.
Dr. Love
Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Mag-email sa [email protected]. Maaari nang mapanood ang pagpapayo ni Dr. Love, bisitahin ang DR. LOVE WEBISODE sa philstar.com)
- Latest
- Trending