Dear Dr. Love,
Isa po akong bilanggo, Nakulong ako nang makapatay dahil sa pagtatanggol ko sa aking girlfriend. Pero wala akong pinagsisisihan dahil tinumbasan naman ito ni Chato.
Lagi niya akong binibisita na nagresulta sa pagbubuntis niya. Nang manganak siya sa dumalang ang aming pagkikita hanggang tuluyang naputol ang aming komunikasyon.
Nabigyang-linaw lamang ang lahat nang ihatid ng aking kapatid sa kulungan ang liham ni Chato. Tinapos na niya ang aming relasyon at sumama sa isang dayuhan tangay ang aming anak.
Hindi ko mapigil ang maiyak sa malaking pagdaramdam. Pero ano nga ba ang aking magagawa? Mahal ko pa si Chato sa kabila ng lahat. Sana maging maligaya sila. Balang araw, kung loloobin ng tadhana, nais kong makita at makilala ang anak namin.
Sana’y huwag kayong magsasawa sa mga taong nagdudulog sa inyo ng problema, Dr. Love.
Gumagalang,
Delfin Gonzaga
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Delfin,
Salamat sa liham mo. Mabuti naman kahit sa kabila ng kapaitang sinapit mo dahil sa naging desisyon ng asawa mo ay natanggap mo ang lahat. Malilimot mo rin ang sakit at makakatagpo ng tapat na magmamahal sa iyo. Magpakabuti ka riyan at ibaon sa isip ang leksiyon ng karanasan mo na ito sa pag-ibig. God bless you.
Dr. Love