Dear Dr. Love,
Isang masiglang pagbati sa inyo at sa lahat na mambabasa ng malaganap ninyong pitak. Watch full video
Layon ko po sa pagsulat na makahingi ng payo at maibahagi ang malungkot kong karanasan sa pag-ibig. Labingwalong taong gulang pa lang ako nang umibig sa isang napakaganda kong kapitbahay. Pero dahil sa malayo ang aming edad at kalagayan sa buhay, naduwag akong magtapat sa kanya ng aking damdamin.
May nakarelasyon din ako noon, pero minabuti ko ang lumayo dahil iba ang itinitibok ng puso ko. Pero nauwi sa panghihinayang ang lahat. Dahil nang mangibang-bansa ang aking kapitbahay, doon na siya nakapag-asawa at nagkaroon ng mga anak.
Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa na makapagtapat ng lihim na pagmamahal sa kanya. Masakit at parang nawalan na ng kabuluhan ang lahat.
Sa pamamagitan ng inyong column, nais ko po na mabuksang muli ang aking puso sa tawag ng pag-ibig. Nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na daramay sa akin sa kalungkutan.
Nag-aaral ako ngayon ng kursong fine arts dito sa bilangguan. May edad akong 32, 5’2 ang taas, mapagmahal, malambing at may takot sa Diyos.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Jessie Carretero
Student Dorm
School of Fine Arts
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Jessie,
May kasabihan tayong mas mabuti nang nabigo ang isang tao sa pag-ibig kaysa hindi nakaranas man lang na tumibok ang puso.
Kaya huwag mo nang masyadong sisihin ang sarili na bigo ka sa pag-ibig at dahil dito, matagal mong isinara ang pintuan ng iyong puso sa tawag ni Kupido.
Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ka naging duwag sa babaeng minamahal mo gayong dati naman ay mayroon ka nang minahal.
Hindi ka marahil magsisisi nang lubos kung naisabi mo sa kanya ang iyong damdamin.
Sana magkaroon ka ng maraming kaibigan sa panulat para magsilbing inspirasyon mo sa buhay.
Hangad din ng pitak na ito na matapos mo ang pag-aaral para sa paglaya mo, mayroon kang makabuluhang gawaing mapagkakakitaan.
Good luck and thank you sa pagtitiwala mo sa column na ito.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)