Takot nang manligaw
Dear Dr. Love,
Isa po ako sa tagasubaybay at tagahanga ng inyong column sa pahayagang NGAYON.
Ako po’y 38 anyos, tubong La Carlota City, Negros Occidental. Binata pa po ako. Nakulong dahil sa salang pagpatay.
Ikinaburyong ko ang paulit-ulit na gawing katatawanan sa akin ng isang kaibigan sa harap ng iba, dahil sa mga mapapait na karanasan ko sa pag-ibig.
Ang mga babae po kasi na nililigawan ko nayayari na ng mga kapatid ko. Si Cancer na nakita kong kasiping ang kuya ko. Habang si Aquarius naman ay inagaw ng isa ko pang kuya. Napakasakit Dr. Love. Kaya naman nang hindi ‘ko napigilan ang aking sarili nang gawin itong kakatuwa. Nagdilim ang paningin ko sa isang kaibigan at napatay siya.
Pinagsisisihan ko na po ang pagkitil kong ito ng buhay. At dito sa piitan, nakuro kong tanging ang Diyos ang may karapatang kumuha sa Kanyang nilikha. Nalulungkot ako dito. May ina naman ako at ibang kapatid pero ni-minsan ay hindi nila ako dinalaw. Pinadadalhan naman nila ako ng pera pero kahit kapirasong mensahe ng pangungumusta ay wala. Hindi ko naman kailangan ang pera. Ang gusto ko ay makita sila at mayakap.
Sana mabasa nila ito para malaman nila na kinasasabikan ko ang dalaw o liham nila. Sana rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na puwedeng umunawa sa akin.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Gumagalang,
Reynaldo Ayungon
MSC Student Dorm 4-C
Bldg. 4 Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Reynaldo,
Maraming salamat sa liham mo. Natutuwa naman ako sa pagkilala mo sa kamalian. Sana tuloy-tuloy na ang pagbabagong buhay mo para maging eligible ka sa parole. Kung ilang ulit ka mang nabigo sa pag-ibig, hindi dapat maging dahilan ito sa pagkakaroon mo na ng kawalang tiwala sa kapwa lalo na sa babae.
Naniniwala pa rin ang pitak na ito na mayroong mabubuting tao at mayroong ibang babaing laan para sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending