Iginanti ang kuya

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo?

Naglakas loob po akong lumiham sa inyo para humingi ng payo sa naging karanasan ko sa buhay. Bilanggo po ako ngayon matapos iganti ang nag-iisang pamilya ko, ang kuya ko na pinaslang sa aming lugar.

Ang kuya kong ito ang nagsilbi kong ina at ama, buhat nang maghiwalay ang aming mga magulang. Si kuya ang siyang nagtaguyod at umaaruga sa akin. Kaya naman nang barilin siya at mamatay, halos madurog ang puso ko sa hinanakit at kalungkutan.

Hinding-hindi mawaglit sa isip ko ang taong bumaril kay kuya. At hanggang sa mailibing siya, walang hustisya. Dahil ulila na, nagpa­laboy-laboy ako sa kalsada.

Pagsapit ko sa edad na 21, nagpasya akong bumalik sa aming lugar para maningil. Hindi nagtagal, nakita ko ang salarin. Hindi na napigilan ang aking sarili at inatake siya hanggang tumimbuwang. Para akong nabunutan ng mabigat na bagay sa aking dibdib.

Matapos nito agad akong sumuko at pinag­­durusahan ngayon ang paglabag na aking ginawa. Nag-aaral ako ngayon dito sa kulungan. At sa tulong ng Panginoon, isa na akong inmate teacher.

Sana po, matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para mabawasan ang aking lungkot.

Maraming salamat po at more power.

Lubos na gumagalang,

Rolendo Alto

Student Dorm 232 MSC

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Rolendo,

Isang positibong panimula ang pagsisisi mo sa iyong maling nagawa. Ipagpatuloy mo ang iyong pagtitika diyan sa loob. Manatili ka rin sa pagpapalawak ng iyong kaalaman. Mala­king bagay iyan para mapaghandaan mo ang sandaling muli kang makalaya.

Huwag mo ring kalimutan ang manalangin. Iyan ang makapagpapatibay ng iyong pana­nalig sa Lumikha at magbibigay inspirasyon sa iyo para labanan ang kalungkutan sa piitan.

Hangad ng pitak na ito na matupad ang nais mong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Dr. Love

Show comments