Inabandona ni Mister
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong si Mrs. Aquarius ng Bacon, Sorsogon. Isa akong masugid na mambabasa ng PSN at tagasubaybay ng maganda ninyong column.
Kaya po ako sumulat sa inyo, naghahangad po akong matulungan ninyo na malutas ang aking problema sa pamamagitan ng inyong payo.
Mula’t sapol, isa na akong kasambahay. Wala akong naabot na mataas na pinag-aralan, kaya’t kahit paano, nagsisikap akong kumita para makatulong sa naghihirap kong mga magulang.
Nagkaasawa na ako, nagkaroon ng anim na anak. Hindi pa rin ako nakakahulagpos sa pagiging isang kasambahay. Naninilbihan ako ngayon sa isang pamilya sa Imus, Cavite.
Bagaman may pinagdaanan akong pagsubok dahil sa pag-abandona sa amin ng aking asawa, na sumama sa ibang babae, patuloy pa rin ako sa pagkayod.
Katulad ko, namamasukan din ang aking panganay na 17-anyos para maitaguyod ang kanyang pag-aaral. Tagahatid-sundo siya ng limang mga bata sa paaralan bukod pa sa trabaho sa bahay.
Pero hindi lahat ng aralin ay napapasukan niya sa school, dahil kailangan niyang magampanan ang kanyang mga tungkulin sa kanyang amo. Ang pangalawa ko namang anak, tapos ng high school pero walang trabaho.
Kulang na kulang ang kinikita ko para masustentuhan ang pangangailangan ng anim kong anak kaya nagkahiwa-hiwalay sila lalo na nang sumakabilang buhay na ang aking ina na siyang tumitingin sa kanila habang wala ako sa bahay.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Hirap na hirap na po ako. Mayroon pa rin akong karamdaman, lumalaki raw ang aking puso.
Sana po, mabasa ito ng aking ate na walong taon nang hindi umuuwi sa aming probinsiya. Ang pangalan niya ay Violeta Casupla. Nais kong makausap siya sa cell phone ko - 09398995344.
Maraming salamat po at more power.
Mrs. Aquarius
Imus, Cavite
Dear Mrs. Aquarius,
Hindi madali ang iyong pinagdaraanan pero wala namang imposible sa taong masikap at masipag sa kabila ng lahat.
Huwag ka mawalan ng pag-asa. Subukan ninyo mag-usap-usap na mag-iina para makuha mo ang saloobin ng iyong mga anak sa inyong kalagayan.
Dahil gaano man kahirap ang inyong pinagdaraanan kung mamamayani ang pagmamalasakit sa bawat isa ay magiging maayos din ang lahat.
Subukan mo rin magtanung-tanong sa center na nasa inyong lugar, maaari ka nilang tulungan sa iyong kondisyon.
Samahan mo ng dasal ang bawat mong hakbang para makatiyak ka sa pinakamabuting resulta para sa inyong mag-iina.
Sanayin mo ang iyong sarili na manatiling positibo sa kabila ng pagtalikod sa inyo ng iyong asawa, dahil hindi naman nagpapabaya ang Maykapal. Good luck sa iyo. God bless.
Dr. Love
- Latest
- Trending