Kalbaryo ng school bus driver

Dear Dr. Love,

Una po sa lahat, mainit na pangungumusta sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.

Isa po akong bilanggo, 39 anyos na tubong Kawit, Cavite. Bago pa ako nakulong, school bus driver ako sa isang pribadong paaralan. Halos mahigit tatlong taon na ako sa trabaho, nang minsan ilang ahente ng NBI ang dumating sa bahay at inimbita ako sa headquarter.

Doon ko nalaman na mayroon palang nag­harap sa akin ng reklamo. Minolestiya ko raw ang kanilang anak. Inimbistigahan ako sa NBI. Pero pinauwi rin ako ng araw na iyon.

Kung mayroon lang akong perang pambayad sa areglo, hindi na sana natuloy ang asunto. Hinihingan ako ng ina ng bata ng P150,000. Wala ako ng ganoong kalaking halaga. Kaya nagdesisyon akong labanan ang kaso. Wala akong sala. Ito ang pinanghahawakan kong prinsipyo.

Pero talo ako sa kaso. Sa kabila ng aking mga testigo at resulta ng medico legal ng NBI. Halos madurog ang puso ko sa sama ng loob. Nagre­sulta ito sa pagkawasak ng aking pamilya.

Pitong taon na ako dito. Ang tanging konsolasyon ko na lang, pumasok ako sa vocational training school dito sa loob at ngayon ay isa na akong inmate instructor.

Nangungulila pa rin ako. Damdam ko, nag-iisa na ako sa mundo. Kaya hinihingi ko sa inyo na sana mailathala ninyo ang liham kong ito para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Salamat po at nawa’y lagi kayong patnu­bayan ng Diyos sa makabuluhan ninyong tulon­g sa mga may suliranin. More power.

Gumagalang,

Alain C. Padilla

Student Dorm Bldg. 4 2C

MSC CAMP SAMPAGUITA

Muntinlupa City 1776

Dear Alain,

Maraming pangyayari sa buhay natin ang nagaganap, gustuhin man natin o hindi. Ito ay iti­nuturing nating mga hamon sa buhay. Taga­pagbukas ng ating mga mata para ibayong kila­lanin natin ang Dakilang Lumikha. Dahil Siya lang ang tanging kanlungan sa panahon ng pagsubok sa buhay. 

Kapag nalampasan natin ang mga pagsubok na ito makikita natin, mas matatag ang tiwala natin sa Kanya. May kapalit itong pagpapala.

Manatili kang nagtitiwala sa Panginoon. Dara­ting din ang araw, malilinis mo ang iyong pangalan at maibabangon ang nadungisan mong reputasyon.

Dr. Love

Show comments