Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa pangalang Flora.
Ang problema ko po ay ang palagiang kabiguan na dinaranas ko sa pag-ibig.
Bakit po kaya sa tuwing makakatagpo ako ng lalaking mahal ko, umuurong sila sa panliligaw kundi man sa aming relasyon sa sandaling malaman nila na ako ay isang dalagang ina?
Dalang-dala na po akong umibig muli dahil nga sa ganitong sitwasyon. Hindi ko po naman kagustuhan na maging disgrasyada. Bunga ito ng kapusukan ko noong teenager pa lang. Dahil mahigpit ang aking mga magulang, lihim ako nakikipagtagpo sa aking boyfriend. At nagbunga ang pagtatagpo namin. Pero naglaho siyang parang bula nang malaman niya ito
Hindi ko ipinalaglag ang dinadala ko. Bagaman ang mga magulang ko ay tutol noon sa pakikipagrelasyon ko kay Tony, hindi nila ginustong ipalaglag ang bata.
Kaya sa murang gulang na 18 anyos nagkaroon na ako ng anak. Hindi ko naman ikinahiya ang bata na bunga ng aking pagkakamali. Minahal ko siya at gayundin naman, minahal siya ng aking pamilya
Mayroon po akong ka-penpal sa ngayon na nakilala ko sa pamamagitan ng pitak ninyo sa PSN.
Nagkita na kaming minsan at muli, na-love at first sight ako sa kanya. Panay pa ang tawagan naming dalawa at e-mail. Hindi ko pa po sinasabi sa kanya ang aking anak.
Sa tingin po ninyo, dapat ko bang sabihin ito sa kanya? Payuhan po ninyo ako.
Flora
Dear Flora,
Huwag mong pagsisihan ang pagsasabi ng totoo. Kung ano ka, iyon ang ipakilala mo sa mga manliligaw mo.
Bago ka kasi malulong ng husto sa isang manliligaw, dapat na hindi lang ikaw ang magpakilala. Kailangan mo ring kilalanin ang isang lalaking dapat mong ibigin.
Kung talagang mahal ka ng isang lalaki, kahit pa nagkaroon ng anak sa pagkadalaga, hindi niya ito gagawing negative factor laban sa iyo.
Hinahangaan ko ang walang pag-aalinlangan mong pagdadala sa bunga ng iyong pagkakamali. Huwag kang mangamba dahil natitiyak kong ang kabutihan ng iyong puso ang maglalandas para matagpuan ang pag-ibig na matagal mo nang hinahangad.
Dr. Love