Dear Dr. Love,
Isang maalab na pagbati sa iyo. Tawagin mo na lang akong Mau, 25 anyos at may asawa. Nagtatrabaho ako sa isang accounting firm. Accountant ako bagamat hindi ako passer at binabalak ko pa lang kumuha ng board.
Ulila na akong lubos at kaming mag-asawa ay nakapisan sa aking mga biyenan. Ang problema ko ay ang biyenan kong lalaki na hindi ko makasundo.
Lagi siyang may pangit na puna sa mga ginagawa ko. Kesyo iresponsable raw ako dahil wala ako sa oras kung umuwi. Inoorasan niya ang pag-uwi ko.
Ang rason ko naman ay ang aking pag-o-overtime. Kailangang kumayod ng mabuti dahil malaking tulong ito sa aming mag-asawa lalu pa’t ipapanganak na ang aming bunso. Sumasapat lang ang aking sahod dahil sa overtime pero hindi ito maintindihan ng aking biyenang lalaki.
Inaaya ko ang aking misis na bumukod pero ayaw niya. ‘Yun daw ang gusto ng magulang niya dahil wala na silang kasamang iba. Nagagalit pa siya kapag niyayaya ko siyang bumukod.
Ano ang gagawin ko?
Mau
Dear Mau,
Kapag nag-asawa na ang anak, wala nang poder sa kanya ang kanyang mga magulang. Himukin mo ang iyong asawa na bumukod kung iyan ang gusto mo.
Alalahanin mo na ikaw ang lalaki at ang pasya mo, basta’t tama ang siyang masusunod.
Ipaliwanag mo sa kanyang mabuti na maganda kung kayo’y bubukod dahil lalo kayong magsisikap at matututo sa buhay.
Sa tingin ko ay may mga magulang na dominante ang iyong misis. Hindi mo talaga makakasundo iyan kaya magpasya ka habang maaga.
Dr. Love