Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta.
Sumulat po ako para maihinga ang sama ng loob ko sa babaeng minahal ko pero dinaya ako. Dahil sa pagmamahal pinakasalan ko si Grace at inaring sa akin ang anak niya.
Ang sabi niya, bunga raw ng panggagahasa ng isang manliligaw niya ang bata, na hindi niya pinatulan dahil wala siyang pagmamahal dito.
Nagpakasal kami at namuhay bilang isang pamilya sa kanilang lugar. Masaya na sana kung hindi lang sa insidenteng nagtulak sa aking makapatay.
Pauwi na kami nang mapadaan sa grupo ng mga lalaking nag-iinuman. Pinilit nilang paupuin si Grace at makipag-inuman sa kanila.
Dahi bago lang ako sa lugar nila Grace, nagpakilala akong asawa niya at pinigilan ang pambabastos nila at pag-iinsulto sa aming mag-asawa. Pero pinagtawanan lang nila ako.
At itinulak ng isa sa kanila kaya napasubsob ako sa lupa. Sa galit, binasag ko ang bote at mabilis na sinaksak ang nanulak, na ikinamatay niya.
Napag-alaman ko na siya ang unang asawa ni Grace. Sumuko ako sa mga awtoridad. Nakulong ako sa Baguio City Jail at ngayo’y nasa Muntinlupa na.
Nawala naman ng parang bula si Grace. Sa loob ng kulungan ko napagtanto na peke ang kasal namin dahil may asawa pala siya. Pinagsisihan ko ang pagpatay at nanggigigil naman ako kay Grace dahil dinaya niya ako.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at more power.
Andy de Villa
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Andy,
Hindi mo na sana pinatulan ang mga lasing na iyon dahil wala sila sa katinuan. Pero nangyari na ang lahat. Ang masaklap nga lang napahamak ka na, bago mo pa nakilala ang babaeng iyong minahal. Huwag mo nang panghinayangan ang mapanlinlang at makasarili na gaya ni Grace. Ang gawin mo ay magpakatino ka diyan sa loob para mapaghandaan ang bagong buhay na naghihintay sa iyo.
Dr. Love